Calendar

P3M halaga ng droga nasamsam mula ‘utak’ ng negosyo ng shabu
NATIMBOG ng mga pulis ang itinuturong utak sa pamamahagi ng ilegal na droga sa southern Metro Manila at apat pang alagad nito sa buy-bust noong Huwebes sa Taguig City kasama ang mahigit P3 milyong shabu na nasa pag-iingat nila.
Umabot sa P3.4 milyon na halaga ng shabu ang nasamsam ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Acting Director P/Brig. Randy Arceo sa mga suspek dakong alas-8:57 ng gabi sa Colorado St., Brgy. Napindan.
Ayon kay Maj. Cecilio Tomas, Jr., target ng kanilang operasyon si alyas Jam na sinasabing distributor ng shabu sa mga lugar sa SPD.
Bukod kay alyas Jam, nadakip din sina alyas Nurulhuda, na nakuhanan ng 250 gramo ng shabu, Bailyn, George at Monera na may bitbit na tig-50 gramo ng shabu kada isa kaya’t umabot sa 500 gramo ng shabu ang nasamsam sa kanila.
Sinabi ni BGen. Arceo na sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Taguig City Prosecutor’s Office.