Calendar
P4.2M shabu nasamsam sa suspek na tulak sa Caloocan
BUKING sa paggamit ng mga menor-de-edad na kabataan ang 50-anyos na vendor ng RTW matapos magbenta ng droga sa pulis na nagpanggap na buyer Miyekules ng umaga sa Caloocan City.
Sa halip na direktang makipag-transaksiyon sa mga tauhan ni District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) P/Capt. Regie Pobadora si alyas “Khadapi” dalawang menor-de-edad na estudyanteng lalaki ang lumabas sa kanyang bahay sa Domato St. Brgy. 188, kung saan ginanap ang transaksiyon dakong alas-5:56 ng umaga upang tanggapin ang P25,000 markadong salapi kapalit ng ibinebentang shabu.
Dahil dito, kaagad ni-rescue nina Capt. Pobadora sina alyas “Saad” 15, at alyas “Jamaloden”, 17, kapuwa estudyante, habang dinakip naman nina Pat. Vincent Irece at Pat. Ruselle Alavado si Khadapi, na kanilang ka-transaksiyon sa ilegal na droga.
Ayon kay NPD Acting District Director P/Col. Josefino Ligan, nakumpiska ng kanyang mga tauhan kay Khadapi ang kabuuang 625 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P4,420,000, pati na ang ibinigay sa kanyang markadong salapi ng dalawang binatilyo na kanyang “runner” na kinabibilangan ng isang tunay na P1,000 at 24 na piraso ng pekeng P1,000.
Sinabi ni Col. Ligan na madulas at maingat sa kanyang pakikipagtransaksiyon si Khadapi na kabilang sa high value individuals (HVI), patunay ang paggamit niya ng mga batang estudyante sa pagbebenta ng shabu, bukod pa sa ginagawang front ang pagbebenta ng RTW upang kunwa”y lenitimo siyang negosyante.