Rubio

P55.3M halaga ng shabu tinangkang ipasok sa PH

119 Views

NAHARANG ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang isang Liberian na nagtangka umanong magpasok ng P55.3 milyong halaga ng shabu.

Dumating umano ang Liberian sa NAIA Terminal 3 sakay ng Qatar Airways flight number QR 934 mula sa Doha, Qatar. Galing umano ang pasahero sa Lagos, Nigeria at pansamantalang naharang sa Bureau of Immigration dahil sa kakulangan ng dalang dokumento.

Dumaan umano ang bag nito sa x-ray screening at doon nakita ng mga tauhan ni X-ray Inspection Project (XIP) head Atty. Ma. Lourdes V. Mangaong ang kahina-hinalang laman nito.

Nagsagawa ng physical examination ang mga tauhan ng Arrival Operations Division at doon nadiskubre ang 8.138 kilo ng shabu na itinago sa yellow powdery spices.

Pinuri ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang mga tauhan ng BOC-NAIA na pinamumunuan ni District Collector Atty. Yasmin Mapa sa kanilang pinaigting na kampanya laban sa smuggling.

Nagpasalamat din si Rubio sa PDEA at iginiit ang kahalagahan ng tulungan sa pagbabantay ng border ng bansa at paglaban sa ipinagbabawal na gamot.

Ang nakumpiskang bagahe ay kukumpiskahin alinsunod sa Republic Act (RA) No. 9165, o ang Comprehensive Drug Act, at RA 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).