BOC

P690 bilyon nakolekta ng BOC sa unang tatlong quarter ng 2024

46 Views

NAKAKOLEKTA ang Bureau of Customs (BOC) ng P690.842 bilyon sa unang tatlong quarter ng 2024.

Ayon kay BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio ito ay mas mataas ng 4.61% o P30.454 bilyon kumpara sa nakolekta ng ahensya sa kaparehong panahon noong nakaraang taon na nagkakahalaga ng P660.388 bilyon.

Ang nakolekta naman sa unang siyam na buwan ng taon ay mas mababa ng 0.44% o P3.046 bilyon sa target na P693.888 bilyon na itinakda ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).

Ang pagbaba ay dulot ng pagbabago ng polisiya ng gobyerno partikular ang implementasyon ng Executive Order (EO) No. 62 na nagbaba ng ipinapataw na buwis sa imported na bigas sa 15% mula sa 35% na nagresulta sa pagkawala ng P6.089 bilyong kita.

Pinalawig din ng EO 62 ang zero-import duties sa ilalim ng EO 12 at isinama ang battery electric vehicle (BEVs), hybrid electric vehicle (HEVs), plug-in HEV, at mga partikular na piyesa ng mga ito na nagresulta sa pagkawala ng P2.901 bilyong kita ng ahensya.

Sa kabila nito, kumpiyansa ang BOC na maaabot nito ang target na makolekta sa nalalabing bahagi ng taon sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng maigting na pagsasagawa ng post-entry audit at auction ng mga nakumpiskang kargamento.

“Our commitment to transparency and efficiency in customs operations empowers us to build a stronger economy for all Filipinos. Together, we are not just collecting taxes; we are investing in the future of our nation,” ani Commissioner Rubio.