Isko

P7.4M TV para sa 5 batang ooperahan sa atay sa India inilabas ni Yorme Isko

Edd Reyes Dec 13, 2025
185 Views

INIHAYAG ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang paglalabas ng pondong P7,419,965 mula sa Special Health Fund upang tustusan ang liver transplants ng limang batang Manilenyo sa bansang India.

Apat sa mga batang pasyente ay ooperahan sa Indraprastha Medical Corporation Ltd na ang bawat isa ay gagastusan ng $29,000 habang ang isa ay sa Max Healthcare Institute Limited na aabot sa $8,400 ang gastos.

Sa kanyang pakikipag-usap sa magulang ng mga batang pasyente, sinabi ng alkalde na ang Pamahalaang Lungsod at Manila taxpayers ay nasa likod ng bawa’t pamilyang inihahanda ang kanilang anak na maisalba ang buhay sa gagawing operasyon sa ibang bansa.

“Gusto ko lang ipaalam sa inyo na ang panalangin ninyo ay tinutugunan ng City Government at ng taxpayers ng Maynila. Magpasalamat kayo sa Diyos at sa taxpayers ng Maynila,” pahayag ni Domagoso matapos personal na iabot sa bawa’t magulang ang dokumento sa paglalabas ng pondo at ginabayan sa mga hakbang para sa pagpo-prosesong medikal at paglalakbay.

Labis naman ang pasasalamat ng mga magulang kay Domagoso lalu na’t ibinahagi sa kanila ng alkalde ang mga nauna na nilang natulungan na naging matagumpay ang operasyon kayat hinimok na umasang magtatagumpay din ang operasyon sa kani-kanilang anak.

Tinukoy ng alkalde na malapit-lapit na ring magsagawa ng liver transplants ang mga Pinoy surgeons upang sa kalaunan ay hindi na kailangang ipadala pa ang pasyente sa mga ospital sa ibang bansa tulad ng binisita niyang pasyente noong Nobyembre 18 na matagumpay na naisagawa ang pediatric liver transplant sa UP Philippine General Hospital (UP-PGH). na pinondohan niya ng P30 milyon mula sa donasyon ng mga may mapagkawang-gawa sa unang termino niya bilang alkalde.