P700B reserve fund ng PhilHealth silipin — Rep. Bongalon

63 Views

HINILING ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Raul Angelo “Jil” Bongalon na silipin ang P700 bilyong reserve fund at P500 bilyong investible fund ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Ayon kay Bongalon, mukhang nabigo ang PhilHealth na palawakin ang benepisyo o ibaba ang binabayarang premium ng mga miyembro nito sa kabila ng napakalaking pondong hawak nito.

“Halimbawa na lang—sa 4% annual interest, dapat may P20 bilyong kita ang P500 bilyon. Saan napupunta ang perang ito?” tanong ng mambabatas.

Hinala ng mambabatas, maaaring may mga opisyal ng PhilHealth na nakikinabang mula sa mga investment na ito.

Ang planong imbestigasyon ay kasunod ng desisyon ng Kongreso na alisin ang P74 bilyong premium subsidies ng PhilHealth para sa 2025. Giit ni Bongalon, kaya ng PhilHealth na pondohan ang benepisyo gamit ang natitirang pondo nito.

Aniya, mas gusto rin ng kanyang mga nasasakupan ang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program ng Department of Health (DOH) dahil mas malawak ang sakop nito kaysa PhilHealth.

Sinabi ni Bongalon na marami ring ospital at doktor ang nagrereklamo dahil hindi sila kaagad nababayaran ng PhilHealth.

“Karapatan ng Pilipinong malaman kung paano ginagamit ang pondo ng PhilHealth,” ani Bongalon.

Nanawagan siya ng transparency at pananagutan mula sa ahensya.