shabu

P700K na shabu nasamsam sa suspek na tulak

Edd Reyes Apr 6, 2025
29 Views

SA kulungan ang bagsak ng 44-anyos na bebot at nakuhanan pa ng mahigit P700,000 halaga ng shabu ng kumagat sa pain ng poseur-buyer noong Biyernes sa Malabon City.

Inaabot pa lang ni alyas Rosing Negra ang sachet ng shabu sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng tinanggap na markadong salapi ng arestuhin ng mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan sa kanto ng P. Aquino Avenue at Kadima compound, Brgy. Tonsuya dakong alas-9:25 ng gabi.

Ayon kay Col. Baybayan, isang linggo ng minomonitor ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang galaw ng suspek na itinuturing na high value individual (HVI) bunga ng impormasyon na malakihan kung magsagawa ng pagtutulak ng droga.

Nakumpiska sa suspek ang kabuuang 105.3 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P716,040, ilang drug paraphernalia at markadong salapi na ginamit sa buy-bust.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 20023) ang suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office.