Laudiangco

Paalala ng Comelec sa mga kandidato SOCE deadline sa Hunyo 8

179 Views

IPINAALALA ng Commission on Elections (Comelec) sa mga tumakbo sa katatapos na halalan na maghain ng kanilang statements of contributions and expenditures (SOCE) o listahan ng kanilang tinanggap na donasyon at ginastos.

Ayon sa Comelec sa Hunyo 8, 2022 ang deadline ng paghahain ng SOCE.

Nagbabala rin ang Comelec na ang mga mabibigong maghian ay maaaring masampahan ng kasong administratibo, pagmultahin, at hindi na muling payagan na tumakbo sa anumang puwesto sa gobyerno.

“Lalong-lalo na sa dalawang beses na na hindi nakapag-file ng SOCE, mayroon pong administrative penalty yan ng perpetual disqualification under RA 7166,” sabi ni Comelec acting spokesman Atty. Rex Laudiangco na ang pinatutungkulan ay ang Synchronized Elections Act.

Maaari rin umanong maging basehan ang hindi paghahain ng SOCE upang hindi payagan na maka-upo ang kandidatong nanalo.

Sa ilalim ng RA 7166, ang kandidato sa pagkapangulo at bise presidente ay maaaring gumastos ng katumbas ng P10 sa bawat botante. Mayroong 65 milyong rehistradong botante para sa May 2022 elections.

Ang mga kandidato na mayroong political party ay maaaring gumastos ng P3 bawat botante at ang independent ay maaaring gumastos ng hanggang P5 bawat botante.