Calendar
Paalala ng LTFRB sa operators, drivers: 20% PWD discount sundin
MULING nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga operator at drayber na dapat tratuhin nang may dignidad, paggalang, at pagbibigay-prayoridad ang mga persons with disabilities (PWD) mula sa mga istasyon at terminal hanggang sa kanilang pagbaba mula sa mga Public Utility Vehicle (PUV).
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., at sa patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. “Banoy” Lopez, na pangalagaan ang kapakanan at interes ng mga Pilipinong may espesyal na pangangailangan.
Ayon kay LTFRB Acting Chairman Atty. Greg G. Pua Jr., tiyakin na mayroong maayos na akses at pagbibigay ng tulong sa mga PWD sa loob ng mga istasyon, terminal, at PUV, gayundin ang mahigpit na pagsunod sa itinakdang 20% na diskuwento sa pamasahe.
“Hindi maaaring ipagsawalang-bahala ang accessibility at diskuwento para sa mga PWD. Itinatadhana at pinangangalagaan ng batas ang mahigpit na pagpapatupad ng mga ito, gayundin ang mga parusang ipinapataw sa mga hindi sumusunod,” saad ni Acting Chairman Pua.
Dagdag niya, kailangang sumunod ang mga operator sa mga regulasyon ng ahensya upang mabigyan ng Certificate of Public Convenience (CPC) at iba pang pahintulot na bumiyahe ang mga PUV at serbisyong pang transportasyon.
Ang naturang paalala ni Acting Chairman Pua sa mga drayber at operator ay bahagi ng paghahanda kasabay ng inaasahang pag-uwi ng milyun-milyong Pilipino sa kanilang probinsya para sa paggunita ng Araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa o mas kilala bilang Undas.
Inaasahan niyang magbibigay ang mga kumpanya ng mga transportasyon at operator ng kinakailangang tulong sa mga PWD at susunod sa umiiral na mga patakaran hinggil sa accessibility at diskuwento sa pamasahe.
Sa ilalim ng LTFRB Memorandum Circular No. 2010-023, kabilang sa mga kinakailangan para sa accessibility ng mga PWD ang paglalagay ng international symbol of accessibility sa mga itinalagang upuan para sa kanila. Dapat ding magkaroon ang mga regular na bus ng hindi bababa sa apat na upuan para sa mga PWD na matatagpuan malapit sa pintuan ng sasakyan.
Samantala, kabilang sa mga kinakailangan para sa mga istasyon at terminal ng transportasyon ang malalapad na pintuan at daan patungo sa mga palikuran, mga rampa para sa mga gumagamit ng wheelchair, at mga upuang nakalaan para sa mga PWD na may kaukulang palatandaan.
Ang mga lalabag sa mga regulasyon ay maaaring patawan ng multang aabot sa ₱50,000 sa unang paglabag, ₱100,000 sa ikalawang paglabag, at kanselasyon naman ng CPC para sa ikatlong paglabag.
Para naman sa paglabag sa patakaran sa diskuwento sa pamasahe, ang parusa ay multang ₱5,000 sa unang paglabag, ₱10,000 at anim na buwang suspensiyon ng CPC sa ikalawang paglabag, at kanselasyon ng CPC sa ikatlong paglabag.
Ayon kay Acting Chairman Pua, ilang operator na ang nabigyan ng Show Cause Order (SCO) at napatawan ng parusa, lalo na sa mga inspeksyon sa mga terminal ng bus nitong mga nakaraang taon.
Gayundin, may mga PUV na napatawan ng parusa dahil sa hindi pagbibigay ng itinakdang 20% na diskuwento kabilang ang kamakailang insidenteng kinasangkutan ng isang pampasaherong bus sa Pampanga.
“Ibigay natin sa ating mga kababayang PWD ang mga benepisyong nararapat sa kanila alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon. Magtulungan tayo upang matiyak na nararanasan nila ang ligtas at maginhawang serbisyo ng pampublikong transportasyon,” saad ni Acting Chairman Pua.
Hinimok din niya ang publiko na i-report sa LTFRB ang anumang paglabag sa mga patakaran sa accessibility at diskuwento sa pamamagitan ng hotline 1342, email, at mga official social media account ng ahensya.

