Isko1

Paalala ni Yorme Isko sa mga naglalako: May price freeze tayo

Edd Reyes Jul 27, 2025
253 Views

PINAALALAHANAN ng Maynila ang lahat ng mga pamilihan tungkol sa “price freeze” sa lahat ng pangunahing bilihin hangga’t nasa ilalim ng state of calamity ang lungsod.

Sa isang pahinang liham na ipinadala ni City Administrator at Chairman ng Committee for Markets ng Maynila na si Atty. Eduardo “Wardee” Quintos XIV, binanggit niya na may umiiral na batas sa ilalim “The Price Act” na awtomatikong pinipigilan ang pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa lahat ng lungsod at munisipalidad na nasa ilalim ng state of calamity sa loob ng 60-araw.

Nakasaad sa liham ni Atty. Quintos na hindi dapat galawin ang dating presyo sa mga pamilihan ang bigas, gulay, tinapay, sariwang isda, de-lata, karne ng baboy, baka at manok, itlog bottled water, prutas, instant noodles, kape, asukal, mantika, asin, sabon, uling, liquefied petroleum gas (LPG), kerosene, kandila at gamot na inuri bilang mahalaga ng Department of Health (DOH).

Nakasaad din na ipinagbabawal at kinokonsidera ring ilegal ang pagmamanipula sa presyo tulad ng hoarding, profiteering at pagbebenta ng labis sa tamang presyo.

Noong Hulyo 23, 2025, nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Panlungsod na nagdeklara sa Maynila sa ilalim ng state of calamity.