Calendar
Pacquiao ayaw sa foreign players sa MPBL
HINDI maikakaila ang patuloy na tagumpay na tinatamasa ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL), ang “Liga ng Bawat Pilipino”, na itinatag ni dating Sen. Manny Pacquiao nung 2017.
Mula sa pagiging dating pangarap ni Pacquiao, ang MPBL ay maituturing na din ngayong isa sa mga top sports attractions sa bansa gaya ng PBA (Philippine Basketball Association) at PVL (Premier Volleyball League).
Sa nakalipas na opening day ng MPBL na ginanap sa Calasiao, Pangasinan nung April 6, hindi mahulugan ng karayom ang Calasiao Sports Complex sa dami ng mga basketball fans na dumalo hindi lamang para makita si Pacquiao at iba pang celebrities gaya nina Kenneth “Captain Marbel” Duremdes at Marc “Pinoy Sakuragi” Pingris, kundi upang manood na din ng dalawang laro.
Hindi naman nabigo ang mga basketball fans dahil parehong naging kapanapanabik ang dalawang games na tinampukan ng Zamboanga at Valenzuela at Abra at host team Pangasinan.
Bago ang mga ito, rumampa din ang mga kalahok na teams kasama ang kanilang mga nag-gagandahang mga muses para magpakilala sa mga manonood.
Best muse si Barbie Imperial ng Abra Weavers.
Sinundan ito ng iba pang mga hitik sa aksyon na mga laro na ginanap sa Orion Sports Complex sa Bataan, Villar Coliseum sa Las Piñas, Alonte Coliseum sa Biñan, Laguna, FilOil Arena sa San Juan, Wes Arena sa Valenzuela at Batangas Coliseum sa Batangas.
Sa unang linggo pa lamang ng aksyon, masasabing malaking tagumpay na naman ang Season 6 ng MPBL.
May plano ba ang MPBL na mag-imbita ng mga foreign players or imports sa mga darating na season?
Kung si Pacquiao ang tatanungin, wala.
“If you ask me, mas OK na tayo sa homegrown players natin. Yun naman talaga ang gusto natin sa MPBL, na mabigyan ng pagkakataon na makalaro ang mas madaming Pilipino players,” pahayag ni Pacquiao sa panayam ng Kibitzer sa Umenoya Japanese Restaurant sa Biñan, Laguna kamakailan.
Gayunman, sumang-ayon ang eight-division world boxing champion sa mga panukala na payagang din makalaro sa MPBL ang nga magagaling na Fil-Am players.
“Right now, pinayagan na natin maglaro ang tig-dalawang Fil-Ams bawat teams. Unlimited height. Tama na yun. Huwag na tayo kumuha ng mga imports,” dagdag niya.
Bagamat wala pang pormal na pahayag, isa ang sikat na Barangay Ginebra player na si Greg Slaughter ang nakatakdang lumaro para sa Manila SV Batang Sampaloc.
Isa din ang seryosong usapin sa game-fixing ang binanggit ni Pacquiao.
“Lagi ko ngang sinasabi, lalo na sa mga players at coaches, na walang puwang sa MPBL ang game-fixing. Galit ako sa mga nangloloko at hindi ko ito papayagan na mangyari sa liga natin. Sa ngayon, may 47 players na tayong nabigyan ng red card dahil dito.”
“Pero yung ibang players, pwede naman natin payagan na muling makalaro sa MPBL. Pwede natin silang bigyan uli ng pagkakataon. Pero dapat magsalita sila at sabihin muna ang mga nalalaman nila tungkol sa game-fixing.”
Sabi nga, Pacquiao is Pacquiao.
Basta para sa ikabubuti ng sports at mga atleta, gagawin niya ang lahat kahit sinuman or anuman ang tamaan ng kanyang knockout punch.
* * *
Congratulations to Maria Luz Arzaga-Mendoza, na ni-nominate ng Federation of School Sports Association of the Philippines (FESSAP) bilang miyembro uli ng International University Sports Federation (FISU) Legal Committee para sa mga taong 2024-2027.
“It is an immense pleasure and honor to have the Federation of School Sports Association of the Philippines (FESSAP) reappoint me once again to be a member of the International University Sports Federation (FISU) Legal Committee for the year 2024-2027,” pahayag ni Arzaga-Mendoza sa statement na ipinafa ng FESSAP sa People’s Taliba.
“The honor bestowed on me also brings as much honor to the country, in general, and the Federation of School Sports Association of the Philippines (FESSAP) in particular,” dugtong pa ni Mendoza.
Full support kay Arzaga-Mendoza qng mga past at present FESSAP off8cials, gaya nina Alvin Tai Lian, Dr. Godofredo E. Gallega, Teresita Abundo, David Ong, Baldomero Estenzo, Prof. Robert Milton Calo, Nenita V. Mendoza, Maria Cecilia Sarmiento, Dr. Diosdado Amante, Angel Ngu, Christian Tan, Dr. Jesus Rodrigo Torres, Dr. Gregorio J. Rodis,Graham c. Lim at current FESSAP president Edwin C. Fabro.
Binati naman ng FESSAP sina FISU president Leonz Eder ng Switzerland, Secretary General Eric Saintrond, First Vice President Luciano Cabra ng Brazil, Vice Presidents Marian Dymalski (Poland), Miss Aligawesa Penninah Kabenge (Uganda), Miss Liu Jin (China) at Miss Verena Burk (Germany), at iba pang FISU Executive Committee members, sa pangunguna ni Rosaura Mendez.
NOTES — Happy birthday kay Bill Villaseñor ng ERJHS Batch 81, na nagdiwang ng kanyang 60th birthday sa kanilang tahanan sa Pulilan, Bulacan kamakailan.
Para sa mga komento at suhestiyon, mag email sa [email protected]