Pacquiao

Pacquiao camp naghamon ng pustahan, partida plus 5M votes vs BBM

251 Views

ISANG grupo ng sugarol mula sa kampo umano ni PROMDI standard bearer Senator Manny Pacquiao ang naghahamon na ngayon ng pustahan kung sino ang mananalo sa pagkapangulo sa darating na May 9, 2022 elections.

Ayon sa source, desidido ang kampo ng 8-division champion na patunayan na puwede pang matalo sa eleksyon si presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ngunit ito ay sa pamamagitan lamang ng pustahan.

“Basta ba plus five million votes kami kontra kay BBM,” sabi ng isang kilalang sugarol na madalas nakikita ng boxing champ.

Kung matatandaan, minsan na rin lumabas sa mainstream media at social media ang balitang pinaglalabanan na lang ngayon ang number two position at ito ay idinadaan na lang sa pustahan.

Ngayong halos mahigit isang buwan na lang bago ang inaabangang halalan, lalong tumitindi tayaan ngayon.

Sa pagkakataong ito, hindi lamang number two ang pinaglalabanan kundi tatalunin mismo si Marcos kung may plus five million votes para sa kalabang presidentiable.

“Kung si Marcos ay may 19 million votes lamang, matatalo siya sa plus five million votes kung may makuha ang number two presidentiable. Kunwari si Leni ay may 16 million, panalo na ang nakapusta kay Leni kasi kung may plus five million ang total niya ay 21 million mula sa nakuhang 16 million votes,” paliwanag naman ng isang high stakes roller sa casino.

Nabatid na umaabot na ngayon sa milyon ang pustahan sa industriya ng manunugal dahil maraming sugarol ang nagkakasahan na ng kani-kanilang taya.

Samantala, isang junket operator ang nagsabi na kaya ito ginagawa ng isang grupo mula kay Pacquiao dahil gusto nilang makabawi man lang kahit kaunti sa ginastos nila sa kampanya bilang tulong sa paboritong anak ni Mommy Dionesia.

“Ang tawag diyan ng mananabong ay trabesiya, dahil talo na kaya pumupusta na lang sa gilid, umaasa ng soli taya kaya pumupusta sa kabila,” sabi naman ng isang sabungero.