Calendar

Pacquiao inaming siya ay BOBO
NAGPAKAWALA ng matinding pahayag si Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao laban sa kaniyang mga kritiko matapos nitong bigyang diin na siya ay “Bobo” subalit nangangahulugan ito ng Boksingerong Obsessed na Bigyang Oportunidad ang mga mahihirap na Pilipino.
Pagbibigay diin ng Pambansang Kamao na ang kaniyang binitiwang pahayag laban sa kaniyang mga kritiko ay tinagurian nitong “knock-out” punch. Isang mensahe na ninanais nitong mai-angat ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga mahihirap na mamamayan.
Paliwanag pa ni Pacquiao na marami sa kaniyang mga kritiko ang tinatawag siyang “bobo”. Gayunman, ginawa umano niyang isang “battlecry” ang panlalait na ito para itaguyod at ipaglaban ang kapakanan ng mga mahihirap na mamamayang Pilipino.
“Hindi lang ito kampanya. Mensahe ito para sa bawat Pilipinong minamaliit. Oo, tinawag akong bobo. Pero ginawa kong sigaw ang panlalait na iyan,” wika ni Pacquiao.
Sabi pa ni Pacquiao na layunin ng pinakabagong mensahe nito na baguhin ang pananaw sa uri ng pamumuno na nararapat para sa ating bansa.
Dagdag din ni Pacquiao na lagi niyang ginawang inspirasyon ang mga panlalait ng mga taong bumabatikos sa kaniya. Kung saan, ito ang nagbibigay sa kaniya ng lakas upang lalo pa niyang ipagpatuloy ang kaniyang adbokasiya at programa para sa mga mahihirap.
Kasabay nito, nagtipon-tipon ang mga Evangelical Pastors mula sa Luzon, Visayas at Mindanao sa Cuneta Astrodome para sa tinatawag na “Mission Impossible”, isang pagtitipon bilang suporta sa kandidatura ni Pacquiao.
Ipinapakita sa ginanap na okasyon ang lumalawak na suporta mula sa hanay ng mga mananampalatayang Kristiyano o Christian community.
Nagbigay ng mensahe si Sen. Joel Villanueva kasunod ang panawagan nito sa mga miyembeo mg Jesus Is Lord (JIL) at iba pang Kristiyanong simbahan na suportahan si Pacquiao.
To God be the Glory