Pacquiao2

Pacquiao: Magkaisa laban sa kahirapan

Mar Rodriguez Mar 22, 2025
18 Views

Pacquiao1SANTA ROSA, LAGUNA — Sa gitna ng matinding hidwaan sa pampolitika, nananawagan si “The People’s Champ” at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao sa mamamayang Pilipino na magkaisa laban sa kahirapan at maibangon ang nakalugmok na ekonomiya ng bansa.

Binigyang diin ni Pacquiao na sa halip na magbangayan ang mga Pilipino dahil sa magkaka-ibang politikal na paninindigan at paniniwala, mas makabubuti aniyang ituon na lamang nila ang kanilang atensiyon para labanan ang nararanasang kahirapan ng ilang mamamayan.

Ang mensahe ng Pambansang Kamao ay kaugnay sa idinaos na pangangampanya ng labing-dalawang Senatorial bet ng APBP sa Trese Martires City, Cavite at Santa Rosa, Laguna noong nakaraang Biyernes at Sabado (March 22 at 23) kung saan naroroon din si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Sa harap ng libo-libong residente ng Cavite at Laguna na dumalo sa naturang campaign rally ng Alyansa, binigyang diin ni Pacquiao ang kahalagahan ng pagkakaisa ng bawat mamamayan sa harap ng matinding hamon o pagsubok na kasalukuyang kinakaharap ng bansa bunsod ng magkakasalungat na paniniwala at paninindigan ng mga Pilipino.

Ayon kay Pacquiao, hindi dapat magpadala sa init ng politika ang mga Pilipino. Aaminado siya na sa tuwing panahon ng halalan ay madalas nananaig ang sigalutan at bangayan sa politika.

Nananawagan ang dating senador sa mga Pilipino na talikdan na nila o ibasura ang hidwaang pampolitika at sa halip ay pagtuunan na lamang ng pansin ang paghahanap ng mga solusyon upang mai-angat ang pamumuhay ng mga mahihirap na mamamayan.

“Dapat magkaisa tayo para tulungan ang mga mahihirap na kababayan natin. Politika lang yan, hindi tayo dapat magpadala sa init ng politika kasi lalo lang tayong magkakawatak-watak. Kailangan natin lampasan ang hidwaang pampolitika at pagtuunan ng pansin ang mga solusyong mag-aangat sa buhay ng bawat Pilipino,” sabi ni Pacquiao.