Pacquiao1

Pacquiao susuportahan mga kabataang estudyante na nais maging atleta

Mar Rodriguez Apr 23, 2025
59 Views

Pacquiao2BILANG isang “boxing legend”, ipinangako ni Pambansang Kamao at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao na susuportahan nito ang kabataang estudyante na nagnanais sumabak sa sports bilang mga future athletes.

Sabi pa ni Pacquiao na hindi lamang nito tutulungan at susuportahan ang mga kabataang mag-aaral na nais maging atleta sa darating na hinaharap. Bagkos, ibibigay din nito ang kaniyang buong suporta upang makatapos ang mga estudyanteng ito ng kanilang pag-aaral.

Ang naging pahayag naman ni Pacquiao ay kasunod ng ginawa nitong pagbisita kamakailan sa Negros Occidental na itinuturing na “boxing training camp” dahil karamihan ng mga magagaling na boksingero ay nagmula sa naturang lalawigan.

Nakaharap din ng dating senador ang mga kabataang boksingero mula naman sa Victoria City kung saan pinayuhan nito ang mga “youth boxers” na ang sports partikular na ang boxing ay hindi lang isang paraan upang makaahon sila sa kahirapan. Sa halip ito ay para matuto sila ng disiplina.

“Ang sports, lalo na ang boxing ay hindi lang paraan para makaalis tayo sa kahirapan. Ito ay paraan para makapag-aral tayo, matuto ng disiplina at mabuting mamamayan,” wika ni Pacquiao.

Muling binigyang diin ni Pacquiao na hindi lamang nito susuportahan ang mga aspiring athletes sa kanilang training sa larangan ng boxing. Kundi tutulungan din niya ang mga ito na makapagtapos ng kanilang pag-aaral.

“I will make sure that aspiring athletes like you get the support you need not just in the ring. But in school and in life,” sabi pa nito.

Kasabay nito, tiniyak din ni Pacquiao na sakaling siya ay papalaring mahalal sa Senado. Ipagpapatuloy nito ang kaniyang adbokasiya upang mapabuti ang sports ng bansa sa pamamagitan ng sports infrastructure sa mga lokal na komunidad.

Binigyang diin pa ng APBP Senatorial bet ang kahalagahan ng suporta mula sa pamahalaan para sa mga kabataang atleta.