Calendar

Pacquiao, Tolentino at Abalos nangampanya sa Cavite
BINISITA ng tatlong kasapi ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na sina Boxing legend at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) Senatorial candidates Manny “Pacman” Pacquiao kasama sina Senator Francis “Tol” Tolentino at dating DILG Sec. Benhur Abalos ang lalawigan ng Cavite para sa kanilang campaign sortie.
Bitbit ng tatlong pambato ng APBP ang kanilang adbokasiya at isusulong na reporma sakaling sila’y mabibigyan ng pagkakataon na mahalal sa Senado sa darating na eleksiyon kung saan bahagi ng kanilang programa ay ang livelihood, housing at social services.
Binigyang diin naman ni Pacquiao ang isinusulong nitong programa at plata-porma bilang bahagi ng kaniyang “pro-poor” advocacy kasunod ng pagpapahayag ng kaniyang commitment para matugunan ang problema ng Bacoor tungkol sa pabahay at livelihood.
Sabi ni Pacquiao na nauunawaan nito ang hirap na pinagdadaanan ng mga Cavitenyo kabilang na dito ang sobrang traffic, kakulangan ng mapapasukang trabaho, sapat na pabahay, mataas na gastusin sa mga ospital at iba pang mga suliranin.
Dahil dito, ipinahayag ng dating Senador na sisikapin nitong isulong ang mga panukalang batas na tutugon sa pangunahing pangangailangan ng mga Cavitenyo gaya ng karagdagang trabaho, abot-kayang pabahay at mas maayos na transportasyon.
“Mga kababayan sa Bacoor, alam ko ang hirap ng buhay mula sa trapik, kakulangan ng trabaho, pabahay hanggang sa mataas na gastusin sa ospital. Bilang inyong lingkod, isusulong ko ang mga batas na tutugon sa inyong pangangailangan gaya ng dagdag na trabaho, abot-kayang pabahay at maayos na transportasyon,” sabi ni Pacquiao.
Ayon pa kay Pacquiao, ang kailangan ng bansa ay isang maayos na transportasyon at konkretong plano para sa urban development kung saan isusulong din niya ang modernisasyon ng mga kalsda at mas maayos na transportation systems para mapadali ang pagbibiyahe.