Calendar

Pacquiao walang nakikitang masama sa implementasyon ng jeepney modernization
BACOLOD CITY – PARA kay Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) Senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao, wala itong nakikitang masama sa napipintong implementasyon ng jeepney modernization basta’t matitiyak ng pamahalaan na hindi mahihirapan ang mga drivers at operators sa pagpapatupad ng nasabing programa.
Sinabi ng tinaguriang “the people’s champ” na mahalagang maisa-alang-alang ng gobyerno ang kapakanan at interes ng libo-libong draybers at operators sa nakatakdang pagpapatupad ng “jeepney modernization” upang hindi maperwisyo ang kanilang hanap-buhay.
Ipinaliwanag ni Pacquiao na napaka-importanteng magkaroon ng “win-win” solution ang pamahalaan upang hindi naman magkaroon ng agam-agam ang mga draybers at operators na unti-unti silang tinatanggalan ng hanap-buhay matapos ang mahabang panahon.
Ipinahayag din ni Pacquiao na kung sakaling maipatupad na ng pamahalaan ang Jeepney Modernization. Hindi aniya dapat mapalitan ang mga tradition jeepney na ipinagmamalaking tatak ng mga Pilipino o nagsisilbing mukha ng Pilipinas.
“Sa akin, huwag natin sigurong palitan yung ipinagmamalaki nating mga Pilipino. Kasi sa loob ng napakahabang panahon, ang jeepney ay tatak na ng mga Pilipino. Iyan na ang mukha ng Pilipinas, kapag nakita mo ang jeepney kahit sa ibang bansa. Alam mo agad na Pilipinas iyan,” sabi ni Pacquiao.
Aminado ang dating Senador na may mga jeepney drivers ang ayaw sumama o sumapi sa kooperatiba na isa sa mga realidad na maaaring mangyari sa pagpapatupad ng Jeepney Modernization bagama’t hindi naman nito ipinagpapalagay na isang malaking problema.
“May mga jeepney drivers na ayaw sumama o sumapi doon sa kooperatiba,” wika pa ni Pacquiao.