Calendar

Pacquioa binigyang diin na halalan kailangang protektahan ng mga Pinoy
MALOLOS, BULACAN — Binigyang diin ni Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao na kinakailangang magkaisa ang mamamayang Pilipino upang maprotektahan ang demokratikong proseso ng Pilipinas – ang darating na halalan.
Sabi ni Pacquiao na napakahalagang manindigan ng sambayanang Pilipino para maprotektahan ang kanilang tanging karapatan na makapili ng mga kandidato na hindi naiimpliwensiyahan ng sinoman lalo ng mga banyaga.
Nauna ng ipinahayag ni Pacquiao na dapat tutulan ng mga Pilipino ang anomang impluwensiya at banta sa soberanya ng ating bansa partikular na ang di-umano’y panghihimasok o pakikialam ng dayuhan sa gaganaping 2025 mid-term elections.
Kinondena din ng dating mambabatas ang paggamit ng China ng mga troll farm at ginagawang manipulasyon sa social media na sadyang idinisenyo upang impluwensiyahan ang boto ng mga Pilipino.
Iminumungkahi rin ni Pacquiao ang pagsusulong ng isang makabayang polisiya at suporta sa pagpapatupad ng mga bagong batas kaugnay sa proteksiyon ng ating mga karagatan.
Ang tinutukoy ng dating senador ay ang paulit-ulit na panggigipit at harassment na ginagawa ng China sa mga Pilipinong mangingisda at mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).
“Bansa natin ito, teritoryo natin ito. Hindi ito lugar ng dayuhang interes. Ang atin ay atin,” pagbibigay diin ni Pacquiao.
Samantala, dinepensahan naman ni Pacquiao si Cebu Governor Gwendolyn “Gwen” Garcia sa pagsasabing walang masama sa naging desisyon ni Garcia na ipatupad ang “desilting” o ang paglilinis at pag-aalis ng bara sa Managa River na ginagamit namang batayan para sa anim na buwang preventive suspension na ipinataw ng Office of the Ombudsman laban sa kaniya.
Para kay Pacquiao, hindi dapat parusahan ang mabilis at makataong pagkilos lalo na kung ito ay para maiwasan ang mas matinding krisis gaya ng matinding kakulangan sa tubig dulot ng El Niño sa Cebu.
“Sa gobyerno, kailangan din ng puso. Paglingkuran ang mga tao ng walang takot. Kapag may kalamidad at walang tubig ang mga tao. Anong klaseng gobyerno tayo kung manonood lang tayo,” sabi ni Pacquiao.
Paliwanag pa nito na malaking issue ang lumalaking pangangailangan ng Cebu sa supply ng tubig. Kung saan, kailangan ng Metro Cebu na makaligtas sa krisis sa tubig na siyang nagtulak kay Garcia para ideklara ang State of Calamity noon.