Abante Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr.

Pag-ako ni Duterte ng responsibilidad sa drug war killings maaaring magbunsod ng lokal, international na pag-usig

160 Views

KUMBINSIDO si Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na ang walang pag-aalinlangan na pag-ako ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte ng responsibilidad sa madugong war on drugs ay maaaring magbigay-daan sa lokal at internasyunal na pag-uusig.

Sa kanyang pagharap sa pagdinig ng Senado, inako ni Duterte ang buong responsibilidad sa lahat ng naging aksyon ng pulisya sa kanyang maigting na kampanya kontra droga at iginiit nito na siya lamang ang dapat managot at hindi ang mga opisyal na sumunod sa kanyang mga utos.

Ang 73-taong-gulang na dating Pangulo, na kilala sa kanyang matigas na pananaw sa krimen at madalas na kontrobersyal na pahayag, ay nagdeklara na hindi dapat kuwestyunin ang kanyang patakaran at hindi umano nito pinagsisihan ang kanyang ginawa.

Ayon kay Abante, chairman ng House committee on human rights at bahagi ng quad committee na nag-iimbestiga sa mga kaso ng extrajudicial killings (EJK) kaugnay sa drug war campaign ni Duterte, ang pahayag ng dating pangulo ay dapat na suriin ng mabuti at repasuhin ang mga legal na implikasyon nito.

“That recent admission of the former president of responsibility for all the killings under his controversial war on drugs could open the doors for legal action both domestically and internationally like the ICC (International Criminal Court),” ayon sa pahayag ni Abante sa panayam ng media.

“Palagay ko alam naman niya ‘yun,” dagdag pa nito, na nagsasabing nalalaman ni Duterte ang epekto ng kanyang pag-amin.

Sa pagdinig ng Senado, nagbago rin ang pahayag ni Duterte kaugnay ng pag-amin nito sa pagbuo ng seven-man hit squad o ang Davao Death Squad (DDS)—na pinangunahan ng mga dating hepe ng Philippine National Police (PNP) kabilang si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa—noong siya ay alkalde ng Davao City, taliwas sa dati nitong pagtanggi.

Bagama’t hindi niya tuwirang iniutos ang pagpaslang, sinabi ni Duterte na inutusan niya ang mga opisyal na hayaang manlaban ang mga suspek, upang bigyang dahilan ang kanilang pagpatay.

Sa loob ng anim na taong termino ni Duterte, isinagawa ang malawakang kampanya laban sa droga na nagresulta sa libo-libong pagkamatay, na nagdulot ng mga pagkondena mula sa mga local at international group.

Iginiit ni Abante na ang mga pahayag ni Duterte ay nagbibigay ng sapat na batayan sa mga ahensya tulad ng Department of Justice (DOJ), Office of the Ombudsman at iba pang mga kaugnay na awtoridad na magsimula ng paunang imbestigasyon.

“Meron nang illegal issues ‘yung pronouncement ng ating [dating] pangulo and we owe it to the Filipino people to pursue justice without any fear or favor,” saad pa nito.

Nang tanungin kung ang pahayag ni Duterte lamang ay sapat na upang bigyang-katuwiran ang mga legal na hakbang, sumagot si Abante, “I believe so.”

Hinimok din ng mambabatas ang justice system ng Pilipinas na kumilos nang walang kinikilangan, na sinabing, “I do realize that the former president is getting quite old… but still he cannot get away from the responsibility, accountability of his actions.”

Tinukoy din ni Abante ang pahayag ni Duterte na ang kampanya ay layuning protektahan ang mga inosente, sa kabila ng malagim na epekto nito sa mga sibilyan.

“I think we can all agree that the country would benefit from a serious campaign against illegal drugs. Unfortunately and tragically, based on the hearing of the House committee on human rights and the quad comm hearings, this war on illegal drugs claimed thousands of innocent lives,” ayon kay Abante.

Kaugnay nito, muli ring inimbitahan ni Abante si Duterte na dumalo rin sa isinasagawang quad comm investigation ng Kamara, upang doon din ipaliwanag ang kaniyang panig.

“Magandang marinig ang panig ni PRRD pero sana may opportunity din na tayo’y tanungin siya tungkol sa mga direktibo niya. It’s very important. Kaya po I reiterate our invitation to PRRD to go to the House and appear before the quad comm,” saad pa ng mambabatas.

Bilang tugon sa pahayag ni Duterte na hindi niya kailanman pinahintulutan ang pang-aabuso ng pulisya o militar, sinabi ni Abante ang mga pampublikong pahayag ni Duterte na “kill, kill” ang nagbigay ng lakas ng loob sa mga pulis sa pagpaslang.

“Well, that would be a normal statement that can be said by any leader pero nakita naman natin ‘yung kanyang mga pronouncements na patayin, patayin. Ilang beses niyang sinabi ‘yan,” puna pa ni Abante.

Dagdag pa ng kongresista: “You know, I’m not against the war on drugs, I’m all in favor of it. Pero palagay ko naman sa napakaraming napatay at napakaraming napatay na mistaken identity at maraming napatay na drug user lamang hindi mga drug pushers, that is something to really investigate na na-embolden ang mga kapulisan natin sa ilang mga pronouncements ng ating dating pangulo kahit na sinabi niya na ayaw niyang nag-aabuso.”