Calendar
Pag-apruba ng House panel sa Anti-Political Dynasty Bill pinapurihan ni Speaker Dy
PINAPURIHAN ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang pag-apruba ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms sa pinagsama o consolidated na panukalang batas kaugnay sa Anti-Political Dynasty.
Sinabi ng House Speaker na ang inaprubahang Anti-Political Dynasty Bill ay nakabatay sa pagbabawal ng batas hanggang sa ikalawang antas ng pagka-kamag-anak na isang tiyak na hakbang tungo sa pagpapatupad ng matagal ng mandato sa Konstitusyon.
Ipinahayag pa ni Dy na ang naging aksiyon ng Komite matapos nitong aprubahan ang panukala ay nagsilbi bilang isang positibong hakbang para sa tuluyang pagsasabatas ng Anti-Political Dynasty Bill sa Kamara de Representantes.
Nakapaloob sa naturang panukalang batas, ipinaliwanag pa ni Speaker Dy na nilalayon nitong ipagbawal ang konsentrasyon ng kapangyarihang politikal sa iisang pamilya na hinalal sa pamamagitan ng local at national level.
“For nearly four decades, the Constitution has directed Congress to prohibit political dynasties. Today, we move closer to fulfilling the mandate. The Committee action moves the measure on step closer to becoming a law,” sabi ni Speaker Dy.
Pinagtibay ng Komite na pinamumunuan ni Lanao del Sur 1st Dist. Rep. Ziaur-Rahman “Zia” Alonto Adiong ang House Bill No. 6671 na pangunahing inakda ni Speaker Dy at House Majority Leader – Ilocos Norte 1st Dist. Rep. Ferdinand Alexander “Zandro” A. Marcos bilang working draft ng consolidated na panukala.
Ipinagbabawal ng inaprubahang bersiyon ang political dynasties hanggang ikalawang antas ng pagka-kamag-anak sa dugo o sa pag-aasawa (consanguinity o affinity).
Ipinagbabawal din ng aprubadong panukala ang pagkakaroon ng kasunduan o arrangement tulad ng mag-asawang mayor ay vice-mayor, magkakapatid na sabay na magsisilbing senador at isang amang gobernador habang ang anak nito ay miyembro ng provincial board sa iisang lalawigan.

