Pag-apruba ng Kamara sa NSTC, ROTC itinutulak ni Romero  

Mar Rodriguez May 22, 2024
140 Views

ITINUTULAK ni 1-PACMAN Party List Cong. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang agarang pag-apruba ng Kongreso sa panukalang batas para gawing requirement sa mga college students ang sumailalim sa National Citizen Service Training (NSTC) at Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).

Ayon kay Romero, reservist sa Philippine Airforce (PAF), isinusulong nila ang kanilang advocacy na sumailalim sa military training ang mga college students matapos ang courtesy call nila kay House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez patungkol sa nasabing panukalang batas.

Sinabi ni Romero na tiniyak at nangako mismo si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na gagawing priority ng Kamara de Representantes ang pagsasabatas o enactment ng panukalang batas hinggil sa NSTC at ROTC.

Ipinaliwanag ni Romero na layunin ng isinusulong nilang panukala na amiyendahan ang Republic Act No. 7077 na mas kilala din bilang “Reservists’ Law” na nagtatakda para sa formation at training para bumuo ng tinatawag na “citizen armed forces of the Armed Forces of the Philippines”.

Idinagdag pa ni Romero na ang final approval ng Mababang Kapulungan at Senado sa NSTC-ROTC bill ay magpapalawak sa military reservists’ organization na inaasahang magkakaroon ng malawakang deployment mula sa mga NSTC-ROTC sa panahon ng emergency at kalamidad sa bansa.

Sabi ng kongresista, pumasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kongreso noong nakalipas na Disyembre 2023 ang version ng NSTC-ROTC bill. Kung saan, nakapaloob dito aniya ang pagsasailalim sa dalawang taong mandatory citizen service training ang mga college students habang optional naman ang ROTC.

Ipinabatid din ng mambabatas na sinertipikahan mismo ni President Bongbong R. Marcos, Jr. bilang urgent ang nasabing panukalang batas kasunod ng kaniyang pahayag na ang pagsasabatas nito ay makakadagdag sa kakayahan ng mga Pilipino para mag-mobilize at magbigay ng serbisyo para sa Pilipinas sa panahon ng kalamidad, disaster o local emergencies at digmaan.