Barbers Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers

Pag-aresto kay Duterte hakbang tungo sa paghihilom ng mga EJK victims — Barbers

57 Views

ANG pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Police (Interpol) at ang inaasahang paglilitis sa kanya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague ay isang mahalagang yugto sa paghahanap ng hustisya ng Pilipinas, lalo na para sa mga pamilya ng mahigit 30,000 biktima ng extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng madugong kampanya laban sa iligal na droga ng kanyang administrasyon.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ng quad committee ng Kamara at chairman ng dangerous drugs panel, ang pangyayaring ito ay mahalaga dahil ipinapakita nitong muling mabubuo ang tiwala ng publiko sa sistema ng hustisya, at titiyakin na ang mga lumabag sa batas ay pananagutin at lilitisin sa korte.

“Ito ay patunay na sa ating bansa, sa Bagong Pilipinas, na walang sinuman ang nasa ibabaw ng batas,” ayon kay Barbers. “Ang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte ay isang hakbang tungo sa katarungan para sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa EJKs.”

Ayon sa mambabatas mula Mindanao, ang madugong kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon, kasama ang utos na pataasin ang bilang ng mga operasyon at napatay, ay naging dahilan para lumakas ang loob ng mga tagapagpatupad ng batas na talikuran ang kanilang sinumpaang tungkulin na “to serve and protect,” kapalit ng isang kultura ng takot, kawalan ng hustisya at paglabag sa karapatang pantao.

“Sa halip na itaguyod ang hustisya, binuksan nito ang pintuan para sa culture of impunity sa hanay ng ating law enforcers, na isantabi ang batas at hustisya sa mga suspects pa lang, at pagpapatupad ng karahasan na nagdulot ng pagkamatay ng mga inosenteng mamamayan,” saad pa ni Barbers.

Dagdag pa niya, maaaring maging daan ang pag-arestong ito para sa paghilom ng sugat ng mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay. “Panahon na upang maghilom ang ating bansa. Ang unang hakbang sa paghilom ay ang pagkilala sa mga pagkakamali ng nakaraan at ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima.”

Ayon sa mga eksperto, ang pag-aresto kay Duterte ay maaaring maging isang mahalagang halimbawa na nagpapatibay sa prinsipyo na walang sinuman ang higit sa batas.

Sa harap ng lumalawak na panawagan para sa reporma sa sistema ng hustisya at law enforcement, hinimok ng maraming grupo ang pamahalaan na tiyakin na hindi na mauulit ang anumang pang-aabuso ng mga opisyal ng gobyerno.

“Ang pag-aresto na ito ay hindi lamang tungkol sa isang tao,” giit ni Barbers. “Ito ay tungkol sa pagbabalik ng tiwala ng publiko sa ating sistema ng hustisya at sa pagtiyak na ang mga pang-aabuso, sa pangkasalukuyan man o noong sa nakaraan, ay hindi na mauulit.”

Binanggit din ng mambabatas na ang mga darating na linggo ay magiging kritikal sa pagpapakita ng pangako ng bansa sa karapatang pantao, hustisya at rule of law, lalo na sa mata ng international community na tutok sa paglilitis kay Duterte sa ICC.