Calendar

Pag-aresto sa vlogger dahil sa fake news paalala laban sa iresponsableng content creators — AML Zamora
ANG pag-aresto sa isang vlogger sa Oslob, Cebu kaugnay ng pagpapakalat ng fake news ay isang paalala umano sa mga content creator na maging responsable sa kanilang mga ipino-post online.
Ito ang sinabi ni House Assistant Majority Leader Pammy Zamora, matapos arestuhin ng National Bureau of Investigation (NBI) kamakailan ang 30-anyos na si Wendelyn Magalso dahil sa pagpo-post ng pekeng content tungkol kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ginawa na umanong legal ang paggamit ng ilegal na droga sa bansa.
“This case is a stark reminder that freedom of expression is not freedom to deceive,” pahayag ni Zamora, na kumakatawan sa 2nd District ng Taguig City sa Kamara de Representantes.
Dagdag pa niya, “May hangganan ang pagiging ‘content creator,’ lalo na kung ginagawa mo ito para manira, magpakalat ng kasinungalingan at kumita mula sa panloloko. Kung pipiliin mong magkalat ng fake news, may kapalit iyan.”
Ayon sa NBI, binago ni Magalso ang isang post ng TV5 News sa pamamagitan ng paglalagay ng pekeng quotes at pinalabas na sinabi ito ni Pangulong Marcos.
Isa sa mga pinekeng caption ay nagsabing: “Legal na daw ang druga grabe ka naman Marcos ngayon harapin mo lahat nang hamon kong makakabalik ka pa pagka looy sa mga inosente.”
Iniulat din na in-edit niya ang isang video ng pahayag ng Pangulo upang linlangin ang mga manonood.
Ayon sa NBI Central Visayas Regional Office, kumilos sila matapos makatanggap ng reklamo mula sa TV5 at nagsagawa ng sariling cyber patrol.
Inamin ni Magalso na ginawa niya ang post upang kumita mula sa views at kalaunan ay humingi ng paumanhin sa Pangulo.
“Hindi ito simpleng opinyon. Ito ay tahasang panlilinlang,” ani Zamora.
“At kung ginagaya mo pa ang Pangulo o lehitimong media outlet para magmukhang totoo, malinaw na intensyon mong manloko,” binigyang-diin niya.
Si Magalso ay nahaharap sa mga kaso sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012. Kung mapatunayang nagkasala, maaari siyang makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon at pagmultahin mula P40,000 hanggang P200,000.
Pinuri rin ni Zamora ang TV5 sa mabilis nitong aksyon sa pag-report ng insidente, pati na rin ang NBI sa mabilis nitong tugon.
“This shows that when media and law enforcement work together, we can fight back against the spread of dangerous disinformation,” ani Zamora.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang palakasin ang digital literacy at papanagutin ang mga content creator.
“Kailangan nating turuan ang kabataan kung paano kilalanin ang totoo sa peke. At para sa mga sadyang gumagawa ng fake news, tandaan ninyo—mahahabol kayo ng batas,” babala ni Zamora.