Pagibig

Pag-IBIG dodoblehin contribution sa Pebrero

Chona Yu Jan 18, 2024
104 Views

DODOBLEHIN na ng Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund ang buwanang kontribusyon ng mga miyembro nito simula sa Pebrero 2024.

Sinabi ni Pag-IBIG Fund Deputy Chief Executive Officer Alex Aguilar, hindi lang ang kontribusyon kundi maging ang benepisyo ng mga miyembro ang madodoble.

“Dodoble po lahat ng benepisyo ng ating mga miyembro sa Pag-IBIG. Ang kanilang maturity benefit; iyon pong kanilang ipon ng 20 years dodoble po mula po sa P87,000, ngayon magiging P174,000 po iyan.

Iyong kanilang mga cash loans, iyong multi purpose loans po na tinatawag natin halimbawa, on the average is P22,000, magiging P44,000 po ang maaaring mahiram nila,” pahayag ni Aguilar.

“Pangalawa, iyong P38 bilyon na karagdagan na maa-accumulate natin sa increase na ito magpapalakas ng doble sa Pag-IBIG Fund sa kaniyang kakayahan na magpahiram ng pabahay, pautang sa pabahay sa kaniyang mga miyembro,” dagdag ni Aguilar.

Hindi maikakaila ayon kay Aguilar na sa nakalipas na limang taon, mas dumami pa ang humihiram sa Pag-IBIG Fund.

Sabi ni Aguilar, ang karagdagang pondo ay magpapanatili sa mababang interes sa pautang sa housing loans ng mga miyembro.

Sa kasalukuyan, nasa P200 ang buwanang kontribusyon sa Pag-IBIG.