Madrona

Pag-maximize sa paggamit ng socmed para itaguyod ang turismo sinang-ayunan

Mar Rodriguez May 29, 2024
110 Views

Madrona1Madrona2Ng House Committee on Tourism

SINASANG-AYUNAN ng House Committee on Tourism na pinamumunuan ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang pahayag ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na dapat i-maximize ang paggamit ng social media upang maitaguyod ang Philippine tourism.

Sinabi ni Madrona na sa kasalukuyang panahon, masyadong makapangyarihan ang social media sa pagpapakalat o pagpapalaganap ng impormasyon. Kaya malaking papel ang gagampanan nito para sa promotion ng Philippine tourism upang ito’y mas maging competitive laban sa karatig bansa nito sa Asia.

Binigyang diin ni Madrona na napakadaling mag-viral sa social media ang isang napaka-simpleng post. Kaya mas magiging madali din aniya kung ang ipo-post sa social media ay ang iba’t-ibang lugar sa Pilipinas na kaakit-akit o kaaya-aya upang mas lalong dayuhin ng mga lokal at dayuhang turista.

Ipinaliwanag pa ni Madrona na hindi lamang ang mga kaakit-akit na lugar o tourist attraction ang dapat itaguyod sa pamamagitan ng social media post. Bagkos, maging ang mga lokal na produkto.

Sabi ng kongresista, hindi na kailangan pang mag-exert ng sobrang effort sa pagpo-post sa social media. Sapagkat ang kailangan lamang gawin ay ang mag-selfie o kuhanan ang sarili habang nasa isang magandang lugar na makaka-engganyo naman sa ibang tao na magtungo sa lugar na iyon.

Ayon pa kay Madrona, bagama’t napaka-simple lamang ang gagawing pagpo-post sa social media. Subalit napakalaking bagay naman ang magagawa nito para mas lalo pang makilala at maging tanyag ang Philippine tourism.

Samantala, nag-convene ang Committee on Tourism sa ilalim ng pamumuno ni Madrona para repasuhin at aprubahan ang committee report kaugnay sa paged-determina ng “carrying capacity” ng mga tourism destinations sa bansa.