Garma Dating PCSO general manager Royina Garma

Pag-uusap ni DU30, PNPA alumni tungkol sa ‘Davao Template’ nakumpirma sa House quad comm probe

148 Views
Leonardo
Napolcom commissioner Edilberto Leonardo

NAKUMPIRMA sa pinakahuling pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes ang pagkikipagpulong ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga alumni ng Philippine National Police Academy (PNPA) Classes of 1996 at 1997 kaugnay ng Davao template, na pinaniniwalaan na siyang blueprint ng madugong war on drug campaign ng nakaraang administrasyon.

Ang pagpupulong ay naganap sa gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong Hunyo 28, 2016, o ilang araw bago opisyal na umupo bilang pangulo si Duterte.

Nais malaman ng mga kongresista ang koneksyon ng naturang pagpupulong, partikular ang Davao template o ang kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot ng Davao City, na sinasabing blueprint ng war on drugs ng administrasyong Duterte kung saan libu-libong katao ang nasawi.

Bukod kay Duterte, dumating umano sa lugar si Sen. Bong Go. Hindi naman makumpirma ng mga resource person kung naroon din si Ronald “Bato” Dela Rosa na noon ay papasok pa lang na hepe ng Philippine National Police (PNP).

Si Dela Rosa, na kasalukuyan ay senador, ay naglabas ng pahayag na itinatanggi na dumalo siya sa nasabing pulong.

Sa pagdinig ng komite noong Biyernes, kinumpirma nina retired Police Colonels Royina Garma at Edilberto Leonardo ang naganap na pagpupulong, na anila ay isang “courtesy call” kay Duterte.

Sinabi ni Garma, isang miyembro ng PNPA Class 1997, na napasadahan ang usapin ng “Davao Template,” pero sinabi ni Leonardo, miyembro ng PNPA Class 1996, na wala siyang maalalang pinag-usapan ang kontrobersyal na estratehiya.

Sina Garma at Leonardo ay kabilang sa mga pulis na natalaga ng matagal sa Davao at sinasabing malapit kay Duterte.

Si Garma ay itinalaga ni Duterte bilang general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), habang si Leonardo naman ay itinalaga bilang undersecretary ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) bago itinalagang commissioner ng National Police Commission (Napolcom).

Sa pagdinig, diretsahang tinanong ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano sina Garma at Leonardo tungkol sa pagpupulong at kung napag-usapan ba ang “Davao Template.”

Piniga ni Paduano si Garma na linawin ang isyu. “May pinag-usapan ba kayo tungkol sa giyera kontra droga? Sabihin na nating Davao Template?”

“May napag-usapan po but it’s not in-depth, it’s just passing, Mr. Chair,” tugon naman ni Garma.

Idiniin ni Paduano ang tanong, “Ang sinasabi ko, Ma’am, diretso lang, nag-usap ba kayo tungkol sa Davao Template, oo o hindi?”

“Napag-usapan din po,” tugon naman ni Garma.

Sunod na tinanong ni Paduano si Leonardo. “Napag-usapan niyo ba doon sa ‘96 ‘yung Davao Template?” na sinagot naman ni Leonardo, “Mr. Chair, di ko po ma-recall ‘yung Davao Template.”

Tinanong din ni Paduano kung kasama sa pakikipagpulong sina Go at Dela Rosa, na ayon kay Garma, “Wala akong naalalang pumunta si General Bato at saka si Senator Bong Go dun sa aming room,” na nagkukumpirma na ang dalawang opisyal ay wala sa silid kung saan nagtipun-tipon ang PNPA Class of 1997.

Sa magkahiwalay na kuwarto nakapuwesto ang Class ‘96 at ‘97.

Sinabi naman ni Leonardo na nakita niya si Go bagama’t hindi matiyak kung nandoon nga si Dela Rosa.

“Ang alam ko, sir, lumabas po kami sa corridor. Then we met Sen. Bong Go during that time,” ayon kay Leonardo. Gayunpaman, idinagdag niya na hindi niya maalala kung kasama si Go sa mismong pagpupulong.

Tinanong din ng komite si Col. Hector Grijaldo ng PNPA Class 1997 na ipinatawag ng komite, subalit itinangging napag-usapan ang “Davao Template.”

“So you contradict the statement of Ms. Garma?” tanong ni Paduano na sinagot ni Grijaldo, “Yes, Mr. Chair.”

Sa pag-usisa naman ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop, binigyang tuon nito ang layunin ng pulong kung simpleng courtesy call o bilang strategic meeting.

Binalingan din ni Acop si Garma na kumpirmahin kung sa pagpupulong na kanyang inorganisa ay kasama sa mga tinalakay ang tungkol sa “Davao Template,” na sinagot ni Garma, “Napag-usapan po, kasi halo-halo na po ‘yung pinag-uusapan namin, Mr. Chair.”

Iginiit ni Acop ang hindi pagkakatugma ng mga pahayag nina Garma at Leonardo.

“Either of you, ikaw at si Madam Garma, ang nagsisinungaling kasi hindi pwedeng nagsisinungaling kayong parehas,” ayon kay Acop, ang vice chair ng apat na komite na bumubuo sa quad committee.

Tinukoy ni Paduano sa kaniyang manipestasyon ang koneksyon sa pagitan ng pagpupulong noong Hunyo 28, 2016, at ang mga sumunod na serye ng mga pagpaslang matapos ilunsad ang giyera kontra droga ni Duterte.

Binanggit ng mambabatas ang magkakasunod na karahasan na naganap sa kulungan, partikular ang pagpaslang sa tatlong Chinese drug lords, pagpatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr. sa loob ng piitan sa Leyte matapos itong isangkot ni Duterte bilang drug lord, at ang pagsabog sa kulungan sa Parañaque na nagresulta sa pagkamatay ng 10 na inmates na iniuugnay sa droga.

Ipinahayag din ni Paduano na ang komite ay mayroon nang mga rekord ng karagdagang insidente ng pagpatay sa mga pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology, na higit pang nagpapatibay sa malawakang karahasan na konektado sa kampanya laban sa droga.

Si Paduano ay ang chairman ng House committee on accounts, isa sa apat na komite ng Kamara na bumubuo sa quad comm, kasama ang mga komite ng dangerous drugs, public order and safety, at human rights.

Ang joint panel ay nagsasagawa ng imbestigasyon sa kaugnayan ng iligal na operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO) sa bentahan ng iligal na droga, pangangamkam ng lupa ng ilang Chinese nationals, at extrajudicial killings sa implementasyon ng war on drugs ni Duterte.