LTFRB

‘Pag wala pang prangkisa ‘wag muna bumyahe–LTFRB

Jun I Legaspi Feb 10, 2026
471 Views

NAGBABALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga aplikante ng prangkisa para sa public utility vehicles (PUVs) na huwag gamitin ang kanilang sasakyan sa pampublikong transportasyon hangga’t hindi pa aprubado ang mga kailangang dokumento.

Babala ito ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II matapos maglabas ng show cause order (SCO) laban sa isang aplikante na namamasada kahit hindi pa aprubado ang aplikasyon.

“Hindi porke nakapagsumite na kayo ng mga dokumento para sa Certificate of Public Conveyance (CPC) ay maaari na ninyong gamitin ang sasakyan sa pampublikong transportasyon,” sabi ni Mendoza.

Isang aplikante para sa CPC ang bumibiyahe na ng rutang Imus-Alabang-Imus ang pumipick-up na ng mga pasahero, ayon sa LTFRB.

Binago ng aplikante ang isang delivery van upang gawing PUV, na ayon sa LTFRB ay labag sa batas.

Sa inilabas na SCO, inatasan ang aplikante na magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi dapat kanselahin ang aplikasyon at dumalo sa unang pagdinig ng kaso sa Pebrero 18.

“Nauunawaan namin ang pangangailangan ng ating mga kababayan na kumita, ngunit hindi ito dapat gawin kapalit ng paglabag sa batas at pagsuway sa mga regulasyong itinakda para sa pampublikong transportasyon,” sabi ni Mendoza.