BFAR

Pag-water cannon sa barko ng BFAR sa WPS kinondena

24 Views

MARIING kinondena ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang muling paggamit ng water cannons ng mga barkong Chinese laban sa mga sasakyang-dagat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang nagsasagawa ng operasyon sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, malapit sa Panatag Shoal.

Sa kanyang opisyal na pahayag, binigyang-diin ni Estrada na legal ang mga aktibidad ng Pilipinas sa karagatan at protektado ito sa ilalim ng batas internasyonal.

Aniya, “No country has the right to stop or block our lawful humanitarian and supply missions within our exclusive economic zone,” habang idinagdag niyang nakabatay ito sa 2016 Arbitral Award at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Iginiit niyang wala namang nilalabag na batas ang mga barko ng BFAR. “Walang nilalabag na batas ang mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa kanilang paglalayag doon na nasa loob ng ating karagatan,” aniya, sabay paggiit na “Atin ang Panatag Shoal.”

Inilarawan ni Estrada ang ginawang aksyon ng China bilang “unlawful and provocative,” at nanawagan sa pamahalaan ng China na itigil na ang ganitong mga hakbang. Kasabay nito, hinikayat niya ang pamahalaan ng Pilipinas na gumawa ng “firm and decisive diplomatic steps” upang papanagutin ang China at maiwasan ang mga kaparehong insidente sa hinaharap.

Hinimok din ng senador ang mga bansa sa ASEAN at iba pang kaalyado ng Pilipinas na makiisa sa pagsusulong ng kapayapaan, soberanya, at paggalang sa batas sa West Philippine Sea.

Ang insidenteng ito ay panibagong dagdag sa umiigting na tensyon sa rehiyong matagal nang pinagtatalunan. Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pahayag ang pamahalaan ng Pilipinas bilang opisyal na tugon.