Calendar
Pagama sa illegal drug cases sa heinous crimes inaasahan
OPTIMISTIKO ang Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs na bago matapos ang taong kasalukuyan ay tuluyan ng maipapasama bilang isang “heinous crime” ang pagkakasangkot sinomang indibiduwal sa kaso ng illegal drugs na may katapat na parusang kamatayan o “death penalty”.
Ito ang nabatid ng People’s Taliba kay Surigao del Norte Congressman Robert Ace S. Barbers, Chairman ng Committee on Dangerous Drugs, sa isang panayam na kasalukuyang naka-pending na sa House Committee on Justice ang panukalang batas kaugnay sa imposition ng death penalty laban sa mga sangkot sa pagtutulak o pagbebenta ng illegal na droga.
Gayunman, sinabi ni Congressman Barbers na inaantay lamang nila ang schedule kung kailan maisasalang sa Plenaryo ng Kamara de Representantes ang debate sa panukalang batas bago ito tuluyang maisabatas.
Aminado si Barbers na sa kasalukuyan ay nahihirapan silang mailusot o maisabatas ang naturang panukalang batas sapagkat kung gaano karami ang sumusuporta sa imposition ng death penalty para sa kaso ng illegal drugs ay gayundin ang dami naman ng mga mariing tumututol dito.
“Sa ngayon ay nasa Committee level na siya. Hinihintay na lamang namin na maisalang ito sa Plenaryo para sa isang inaasahang debate tungkol sa panukalang batas na ito. Kasi kung gaano karami ang sumusuporta ay gayundin ang dami ng mga tumututol,” ayon kay Barbers.
Sa kabila nito, umaasa si Barbers nab ago matapos ang taon ay tuluyan ng maisasabatas ang panukalang batas tungkol sa “death penalty” sapagkat noong nakalipas na 18th Congress ay umabot na sa Plenaryo ang nasabing panukala subalit naabutan lamang aniya ng pagtatapos ng sesyon.