Habagat File photo ni JONJON C. REYES

PAGASA: Habagat o panahon ng tag-ulan tapos na

21 Views

OPISYAL nang idineklara ng PAGASA-Dost na nagtapos na ang Habagat season matapos ang ilang araw na paghina ng hangin at pag-unti ng mga pag-ulan.

Kabilang sa mga pagbabagong naobserbahan ang paglakas ng high pressure area sa East Asia, pag-ihip patimog ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ), at kapansin-pansing paghina ng hanging dala ng Southwest Monsoon o Habagat.

Inaasahang magpapatuloy ang ganitong kondisyon sa mga susunod na araw, kaya idineklara ng PAGASA ang pagtatapos ng Habagat season.

Kasabay nito ang pagtatapos ng panahon ng tag-ulan sa mga kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.

Patuloy namang imo-monitor ng PAGASA ang lagay ng panahon at klima sa bansa.

Pinapayuhan ang publiko at mga kinauukulang ahensya na manatiling nakatutok sa mga susunod na weather update at abiso ng PAGASA.