Calendar
Pagasa: LPA magiging bagyo sa labas ng Pinas
INAASAHANG papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) anumang araw ang low pressure area (LPA) na magdadala ng ulan sa ilang bahagi ng Southern Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Ayon sa Pagasa, bandang alas-3:00 ng madaling araw namataan ang LPA sa 1,395 kilometro ng silangan ng Southern Luzon.
Sinabi ni Pagasa weather specialist Grace Castañeda na mataas ang tsansa na maging bagyo sa loob ng susunod na 24 na oras ang LPA na tatawaging Kristine.
Ang sama ng panahon posibleng makarating malapit sa silangang bahagi ng Northern at Central Luzon.
Maaari rin itong mag-landfall sa Northern at Central Luzon area ngunit maaaring magbago pa rin ang track at scenario.
Sa ngayon, wala pang direktang epekto ang LPA ngunit magdadala ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Cagayan, Isabela, Aurora at Quezon.
Ang mga flash flood o landslide maaaring magresulta dahil sa katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.