LPA Larawan: PAGASA/FB

PAGASA walang binabantayang LPA

29 Views

WALANG binabantayang low pressure area (LPA) para sa posibleng pagbuo ng bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Linggo, Oktubre 25, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa 24-hour public weather forecast na inilabas alas-4 ng madaling araw, sinabi ng PAGASA na ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ang nakaaapekto sa Palawan, Visayas at Mindanao.

Inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, Mindanao, Bicol Region, Romblon at Palawan. Posible ang biglaang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang malakas na ulan.

Samantala, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan, na may isolated rainshowers o thunderstorms, ang mararanasan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms. Posible rin ang flash floods o landslides kapag matindi ang mga pagkulog at pagkidlat.

Sa Extreme Northern Luzon, katamtaman ang hangin mula sa hilagang-silangan, na may katamtaman hanggang maalon na karagatan. Sa iba pang bahagi ng bansa, mahina hanggang katamtaman ang hangin at banayad hanggang katamtaman ang kondisyon ng karagatan.

Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto sa mga abiso ng PAGASA at mga lokal na awtoridad, lalo na sa mga lugar na madaling bahain o magkaroon ng pagguho ng lupa.