Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co

Pagbabago sa budget target pangmatagalang solusyon — Co

177 Views

ANG mga pagbabago sa panukalang badyet para sa 2025 ay naglalayong bigyang prayoridad ang social services, healthcare, food security at electrification ng bansa, ayon kay House committee on appropriations chairperson Elizaldy Co ng Ako Bicol Party-list.

Ayon kay Co, ang mga pagbabagong ginawa ng bicameral conference committee ay naglalayong mabigyan ng pangmatagalang solusyon ang mga problema ng bansa at matiyak na tama ang paggastos sa pondo ng bayan.

“We considered the Senate’s concerns, particularly on the Office of the Vice President (OVP) budget,” sabi ni Co.

“We decided to maintain the P1.3-billion budget cut and not to further reduce the OVP’s travel funds. Ang pondong tinapyas ay inilaan sa mga ahensiyang tulad ng DOH at DSWD na may mga subok nang programa tulad ng AICS at MAIFIP,” dagdag pa ni Co.

Ayon kay Co, ang mga programa ng OVP gaya ng financial at burial assistance ay ginagawa na ng ibang ahensya.

“Duplication lamang ito ng mga programa ng national agencies. Hindi makatuwiran na magkaroon ng hiwalay na social services ang OVP,” sabi ng mambabatas.

Samantala, mayroon umanong inilaan na P26 bilyon para sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at suportado ito ng mga senador.

“Kinikilala ng Kongreso at Senado ang malaking tulong ng AKAP. Nag-desisyon ding maglaan ng pondo sa pangmatagalang proyekto tulad ng food security at healthcare,” saad ng kongresista.

Pinondohan din umano ang pagtataas ng daily subsistence allowance ng mga sundalo na magiging P350 mula sa P150 o kabuuang P10,500 kada buwan.

Ang pagtataas sa subsistence allowance ay alinsunod sa atas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kasama umano sa pagbabago sa panukalang badyet ang paglalaan ng pondo para sa mga dam at solar-powered irrigation systems na magpaparami ng produksyon ng pagkain sa bansa.

May pondo rin para sa pagpapaganda ng mga healthcare facility gaya ng Philippine Cancer Center, MEGA Hemodialysis Center sa National Kidney and Transplant Institute, Women and Children’s Medical Center, at modernisasyon ng Philippine General Hospital at Philippine Heart Center, at iba pang regional specialty hospitals.

Popondohan din umano ang Solar Home Systems (SHS) program upang magkaroon ng suplay ng kuryente sa mga malalayong lugar sa murang halaga.

“Ang SHS ay bahagi ng layunin nating maabot ang 100 percent electrification sa 2028,” sabi ni Co.

Sa halagang P8 kada araw, sinabi ni Co na makakagamit na ng apat na bombilya, isang transistor radio, cellphone charger, electric fan at TV.

“Ang bawat piso sa budget ay kailangang mapunta sa proyektong tunay na makakatulong,” giit ni Co.