Calendar

Pagbabalik-taping ni Ruru may permiso ng doktor
May blessing naman daw ng doktor ni Ruru Madrid ang pagbabalik niya sa trabaho matapos ngang ma-injure ang kanyang hamstring kamakailan.
Sa latest Instagram post ng Kapuso actor ay ikinuwento niya na dapat ay two-three weeks recovery ang sinabi sa kanya ng doktor pero kinausap niya ito na kailangan na niyang bumalik sa trabaho.
Pumayag naman daw basta limitahan lang ang galaw.
“After 4 days of bed rest, nakabalik na rin ako sa taping ng Lolong. Sabi ng doktor, kailangan ko raw magpahinga ng 2 to 3 weeks para tuluyang gumaling ‘yung pulled hamstring ko. Pero kinausap ko siya — sabi ko kailangan ko nang bumalik sa trabaho. Ang usapan: limitahan lang muna ang galaw ko, at makikipag-coordinate ako sa production kung paano namin maaayos ang mga eksena,” ani Ruru.
Makikita nga sa video na ipinost ng aktor na naka-wheelchair at saklay pa siya na pumunta sa set.
“Kinausap ko ang buong team, at gumawa kami ng paraan kung paano maisusulong ang mga eksena kahit limitado ang kilos ko. Mahirap—dahil yung isip ko gustong-gusto na, pero ‘yung katawan ko may hangganan pa. Pero alam ko rin, parte ng trabaho ang alagaan ang sarili para makabalik nang buo at mas mabilis,” aniya pa.
Tsika niya, ni-revise pa ang script para lang nga mabawasan ang mga action scene niya at laking pasasalamat niya sa pag-a-adjust na ginawa ng produksyon.
“Ang laking pasasalamat ko sa buong Lolong family. Sila ang nag-adjust, nag-revise ng script, nag-alaga, at nagparamdam na hindi ako nag-iisa — kahit pagod at kulang sa tulog. Totoo talaga—hindi lang talento ang bumubuo ng isang proyekto, kundi malasakit at pagmamahalan sa isa’t isa.
“Maraming salamat din sa lahat ng sumusuporta sa Lolong—ramdam ko ang pagmamahal niyo. Sa pamilya ko, kay Bianca na laging nandyan, at higit sa lahat, sa Ama na palaging nagbibigay ng lakas, gabay, at dahilan para bumangon,” saad ng aktor.
“Hindi hadlang ang injury kapag buo ang puso. Para sa sining. Para sa pangarap. Para sa mga taong naniniwala sa ‘kin. Laban lang!” pagtatapos ni Ruru.
Sa comment section ay pinuri ni Rochelle Pangilinan ang dedikasyon ng aktor sa trabaho.
“Ibang klaseng dedikasyon,” ani Rochelle.
Matatandaan na last week ay isinugod sa ospital si Ruru dahil sa hamstring injury na tinamo habang ginagawa ang eksena sa “Lolong 2.”