Marianito Augustin

Pagbangon ng PH tourism resulta ng mahusay na tandem ng House Committee on Tourism, DOT

245 Views

UMPISA NA NG BAKASYON:

SA darating na Linggo (April 2) ay simula na ng “Holy Week” o Kuwaresma sa pamamagitan ng tradisyunal na “Palm Sunday”. Ito ang hudyat sa pagsisimula ng isang linggong pagninilay sa mga paghihirap ng ating Panginoong HesuKristo na ang karamihan sa atin ay nagpupunta sa mga lalawigan.

Kapag ganitong Holy Week, ang karamihan sa atin ay hindi naman dito sa Metro Manila naglalagi. Kundi sa mga probinsiya na may magagandang beach resorts katulad ng Boracay, Romblon, Cebu at iba pang mga lugar na talagang mare-relax ka habang ikaw ay nagba-bakasyon.

Bukod sa ating mga Pilipino na nagpupunta sa mga magagandang beaches. Asahan natin na pati ang mga dayuhang turista ay siguradong magdadagsaan din dito sa Pilipinas lalo ngayong Holy Week para bisitahin ang mga magagandang beaches na ang iba ay sobrang mahal ang mga rates at packages.

Bagamat “can’t afford” tayong mga ordinaryong Pilipino sa mga ganitong nakapa-mahal na beach resorts na tanging ang mga dayuhan lamang ang nakakapunta. Magpasalamat pa rin tayo sapagkat kahit papaano ay nakakatulong sa ating ekonomiya ang pagdagsa dito ng mga dayuhang turista.

Ayon kay Romblon Lone Dist. Congressman Budoy Madrona, ang Chairman ng House Committee on Tourism, ang pagdagsa ng mga dayuhang turista ay resulta ng mahusay na “sales talk” ni Tourism Secretary Maria Christina Frasco para hikayatin ang mga dayuhan na bumisita dito sa bansa.

Ang sabi nga ni Congressman Madrona kung mahusay ang “bukadura” ng isang ahente na gaya ng pagkakahalintulad niya kay Secretary Frasco. Siguradong marami ang kaniyang mahihikayat na bumili ng kaniyang produkto. Tulad ng ginawa ng Kalihim para i-promote ang turismo ng Pilipinas.

Kapag maraming dayuhang turista sa Pilipinas, nangangahulugan din ito na maraming negosyo ang siguradong kikita. Bukod sa mga beach resorts na makakabawi mula sa malaking pagkalugi noong kasagsagan ng pandemiya. Kahit mga maliliit na negosyo ay makikinabang din.

Ito yung ipinapaliwanag sa atin ni Congressman Madrona nung huli kaming mag-usap habang kami ay nagka-kape na ang Philippine tourism ang isa sa mga “economic driver” o economic backbone ng administrasyong Marcos, Jr. dahil inaasahan na malaking income ang ipapasok nito sa kaban ng pamahalaan.

Kaya naman ganun na lamang ang pagsisikap ng Komite ni Madrona na maisulong at maisabatas ang mga panukala para maideklara bilang isang tourist destination ang isang makakasaysayang lugar sa Pilipinas. Ang sabi nga niya sa atin ay nai-transmit na sa Senado ang 100 panukalang batas tungkol dito.

Ang masasabi na lang natin ay congratulations po Secretary Frasco at Congressman Madrona. Nang dahil sa kasipagan niyo ay marami sa ating mga kababayan ang unti-unti ng nakakabawi dahil sa matinding epekto ng COVID-19 pandemic. Sana po ay dumami pa ang mga gaya niyo. Congratulations po!

P10,000 CASH ASSISTANCE: MALAKING TULONG PARA SA MGA PINOY

SAKALING maisabatas ang panukala na isinulong ni Taguig-Pateros 1st Dist. Congressman Ricardo S. Cruz. Napakalaking kaginhawahan ang maibibigay nito para sa mga kababayan natin na nawalan ng trabaho, negosyo at kabuhayan dahil sa perwisyong idinulot ng pandemiya.

Masasabi natin na hulog ng langit ang mga kagaya ni Congressman Cruz na ang iniisip ay ang kapakanan at kagalingan o welfare ng ating mga mahihirap na kababayan sa halip na unahin ang kaniyang pansariling interes. Masama pa ba ang P10,000 cash assistance? Ayaw ka pa ba niyan?

Ang sabi ni Congressman Cruz ay hindi pa naman talaga lumalayas si Corona Virus kaya may mga kababayan tayo ang hirap parin sa buhay. Ang ibig sabihin, kahit ang ilan ay balik na sa normal. Pero mayroon pa rin ang hindi pa talaga tuluyang nakakabawi sa malaking pagkalugi.

Magpasalamat tayo at mayroong mga gaya ni congressman na ang puso ay nasa mga mahihirap nating mga kababayan. Hindi narin masama ang P10,000 cash assistance para sa bawat pamilyang Pilipino. Sa hirap ng buhay ngayon ay malaki na ang nagagawa nito para makatawid ka sa krisis.

MALAKING KAHIHIYAN SA ATING MGA PILIPINO:

ISANG malaking kahihiyan para sa ating mga Pilipino ang mapabalitang ang isa sa ating mga kababayan ay nasangkot sa katiwalian katulad na lamang ng nangyari diyan sa Clark International Airport na kinasangkutan ng isang Immigration Officer na nalantad sa mata ng publiko.

Ang masama pa nito, ang mga kababayan nating Overseas Filipino Workers (OFW’s) na ang iniisip lamang ay kapakanan ng kanilang pamilya ang biktima ng modus-operandi sa loob ng Bureau of Immigration. Kaya nauunawaan natin ang sentimyento ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” Magsino.

Paano ka naman hindi madidismaya gaya ng naramdaman ni Congresswoman Magsino. Ang mga OFWs na halos ibuwis ang kanilang buhay sa pagta-trabaho sa ibang bansa ang binibiktima ng ilang korap na opisyal ng Immigration. Sa kagustuhan din ng mga OFW’s na makapag-abroad kaya nakikipagsapalaran na rin sila.

Sinabi ni Magsino na matagal na nilang adbokasiya ang labanan ang talamak na human traffcking at illegal recruitment sa bansa. Pero sa kabila nito ay hindi parin matigil-tigil ang ganitong masamang kalakaran? Kaya kailangan talagang mgkaroon ng “political will” para tuluyan na itong mapuksa.

Ituloy niyo lang po ma’am ang inyong adbokasiya at nasa likod niyo po ang mga mamamahayag na tulad ng inyong lingkod para labanan ang katiwalian sa mga ahensiya ng pamahalaan. Sayang na lamang ang mga magandang ginagawa ng ating Pangulong Bongbong Marcos, Jr. para linisin ang ating pamahalaan.

Kahit anong ganda ng pamamalakad ng ating mahal na Pangulong Marcos, Jr. kung mayroon naman mga sumisira sa imahe ng ating pamahalaan ay masasayang lamang ang mga effort ng ating Pangulo. Sana ngayong Holy Week ay magnilay po ang nasasangkot sa korapsiyon na magbagong buhay. May “karma” po iyan.