Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino

Pagbibigay importansiya sa kalagayan ng mga OFWs imumungkahi ni Magsino para sa SONA ni PBBM

Mar Rodriguez May 29, 2024
157 Views

KUNG mabibigyan ng pagkakataon si OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino na makausap si President Bongbong R. Marcos, Jr. para magbigay ng suggestion para sa magiging “content” ng kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA). Imumungkahi ng kongresista ang pagbibigay diin sa kalagayan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ayon kay Magsino, nais sana niyang maisama sa SONA ni President Marcos, Jr. ang pagpapalakas sa bilateral labor agreement kabilang na ang masusing pagpapatupad ng pamahalaan ng mga polisiya para maprotektahan at mapangalagaan ang Karapatan at kagalingan o welfare ng mga OFWs.

Kasabay nito, muling binigyang diin ni Magsino ang malaking kontribusyong iniaambag at ibinibigay ng mga OFWs para sa bansa partikular na para sa aspeto ng ekonomiya bunsod ng malaking remittances na nanggagaling mula sa kanila na nagsisilbing “life-line” ng bansa.

Sinabi ng kongresista na hangad niya na mapasama din sa SONA message ni Pangulong Marcos, Jr. ang policy pronouncement nito kabilang na ang paglalatag ng gobyerno ng mandato para sa lahat ng ahensiya upang magkaroon ng angkop na programa para sa mga OFWs.

Binigyang diin pa ni Magsino na ang pinakamahalagang mailatag ni PBBM sa kaniyang SONA message ay ang ikakasang hakbang ng pamahalaan laban sa talamak na illegal recruitment sa bansa, human trafficking at mga nangyayaring scam na bumibiktima ng mga OFWs.

Nauna rito, optimistiko si Magsino na mapapasama sa SONA ni President Marcos, Jr. ang paglalatag nitong mga polisiya at programa para sa kapakanan ng mga OFWs.

Nais nitong marinig mula sa kaniya ang patuloy na pagpapahalaga ng gobyerno sa mga OFWs sa pamamagitan ng mga polisiya at programang ipatutupad nito.

Ayon kay Magsino, nais din nitong matutukan ng pamahalaan ang “reintegration programs at livelihood assistance” para sa mga balikbayang OFWs o yung mga overseas workers na nagdesisyon ng manatili sa Pilipinas at wala ng balak pang magbalik sa ibang bansa para mag-trabaho.

Ipinaliwanag pa ni Magsino na umaasa siyang mababanggit din ni Pangulong Marcos, Jr. sa kaniyang mensahe o talumpati ang tungkol sa internet voting para sa mga OFWs para maipa-alam nito sa mga overseas workers na nasa abroad ang pagboto nila sa pamamagitan ng internet.