Martin

Pagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na magsuspindi ng pagtaas sa PhilHealth contribution isinulong

224 Views

ISINULONG ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang panukala na magbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo ng bansa na suspendihin ang naka-ambang pagtataas sa kontribusyon ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) kung hindi ito napapanahon.

Ayon kay Romualdez nais ng House Bill 6772 na bigyan ng opsyon ang Pangulo na pigilan ang dagdag na kontribusyon na babalikatin ng mga milyun-milyong empleyado na siyang pangunahing nagbibigay ng kontribusyon sa PhilHealth.

Ngayong taon ay sinuspendi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang implementasyon ng Universal Health Care Act o Republic Act 11223 partikular ang pagtataas ng kontribusyon ng PhilHealth.

Ayon sa RA 11223, ang apat na porsyentong kontribusyon ay itataas sa 4.5 porsyento ngayong taon at sa limang porsyento sa 2025.

Sa hakbang na ginawa ng Pangulo, sinabi ni Romualdez na makatitipid ang mga nagbibigay ng kontribusyon sa PhilHealth ng P50 kada buwan o P600 kada taon na kanilang maaaring magamit sa ibang mahalagang bagay.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng kapangyarihan ang Pangulo ng bansa ng kapangyarihan na suspendihin ang pagtataas ng kontribusyon, batay sa rekomendasyon ng board ng PhilHealth kung sa tingin nito ay hindi napapanahon ang pagpapatupad.

Kasama ni Romualdez bilang may-akda ng panukala sina Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Senior Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander Marcos, at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre.

Sa ilalim ng panukala ay magpapasok ng probisyon sa ilalim ng Section 10 ng RA 11223.

“The intent of the law is clear and cannot be overemphasized. Filipinos need and deserve a comprehensive set of health services that are cost effective, high quality and responsive to the requirements of all citizens,” sabi ng mga may-akda sa panukala.

“While Philhealth only aims to fulfill and remain faithful to its mandate, imposing a higher premium on Filipinos in these current conditions where most of them are grappling with the pandemic will definitely enforce a new round of financial burden to its members,” dagdag pa ng mga ito.

Ipinunto ng mga mambabatas na hindi pa lubusang nakakabangon ang publiko sa epekto ng COVID-19 pandemic.

“Suspending the imposition of the new Philhealth premium rates will provide a much-needed relief during national emergencies or calamities and will assure Filipinos that the government is sensitive to their sentiments in this difficult time,” sabi pa ng mga kongresista.