Brosas

Pagbibitiw ni VP Sara sa Gabinete ni PBBM paghahanda para sa 2025 mid-term elections — kongresista

Mar Rodriguez Jun 20, 2024
75 Views

𝗔𝗡𝗚 𝗽𝗮𝗴𝗯𝗶𝗯𝗶𝘁𝗶𝘄 𝗻𝗶 𝗩𝗶𝗰𝗲-𝗣𝗿𝗲𝘀𝗶𝗱𝗲𝗻𝘁 𝗜𝗻𝗱𝗮𝘆 𝗦𝗮𝗿𝗮 𝗗𝘂𝘁𝗲𝗿𝘁𝗲 𝗯𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗞𝗮𝗹𝗶𝗵𝗶𝗺 𝗻𝗴 𝗗𝗲𝗽𝗮𝗿𝘁𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗼𝗳 𝗘𝗱𝘂𝗰𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 (𝗗𝗲𝗽𝗘𝗱) 𝗮𝘆 𝗽𝗮𝗴𝗵𝗮𝗵𝗮𝗻𝗱𝗮 𝗮𝘁 𝗽𝗮𝗴𝗹𝗮𝗹𝗮𝘁𝗮𝗴 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗽𝗹𝗮𝗻𝗼 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗱𝗮𝗿𝗮𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗻𝗮 𝟮𝟬𝟮𝟱 𝗺𝗶𝗱-𝘁𝗲𝗿𝗺 𝗲𝗹𝗲𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻𝘀.

Ito ang ipinahayag ni GABRIELA Women’s Party List Cong. Arlene D. Brosas patungkol sa pagbibitiw ng Pangalawang-Pangulo sa kaniyang katungkulan bilang Kalihim ng DepEd at co-vice chairperson naman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Naniniwala si Brosas na maaaring sa simula pa lamang aniya ay wala naman talagang intensiyon si VP Sara Duterte na resolbahin ang krisis at problema sa sistema ng edukasyon o educational system sa bansa dahil ang numero uno umano nitong puntirya ay ang mapanatili ang political clout ng mga Duterte sa darating na 2025 elections.

Ipinaliwanag ng kongresista na ang pagtatalaga umano kay VP Sara Duterte ay naka-ugat o naka-angkla sa takbo ng politika sa bansa. Kung saan, pinaghahandaan na umano nito ang paparating na halalan bagama’t sa susunod na taon pa ito mamgyayari.

Nananawagan si Brosas sa mamamayang Pilipino na maging alerto sapagkat ngayon pa lamang aniya ay nagsisimula ng kumilos ang mga partido politikal bilang paghahanda sa darating na 2025 mid-term elections.

Ikinagalak naman ni Deputy House Minority Leader at ACT Teachers Party List Cong. France Castro ang pagbibitiw ni VP Sara, sa pagsasabing sana ay noon pa umano nito ginawa ang kaniyang resignation.

Binigyang diin ni Castro 𝗻𝗮 nasayang lamang aniya ang mahigit dalawang taong panunungkulan ni VP Sara sa DepEd sapagkat sa loob ng kaniyang termino ay hindi naman nito nagawang ayusin agad ang krisis sa sektor ng edukasyon kabilang na ang benepisyo at sahod ng mga guro.

Bunsod nito, nananawagan si Castro kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos,Jr. para magtalaga ng karapat-dapat na Kalihim ng DepEd na tunay na magsisilbi sa education sector.