BBM

Pagbisita ni BBM sa lalawigan ng Ilongang asawa tagumpay

227 Views

TULOY ang pagpapalawak sa panawagang pagkakaisa ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kasabay ng mainit na pagsalubong sa kanila ng running-mate na si Inday Sara Duterte sa dalawang araw na pagbisita sa Western Visayas noong nakaraang Huwebes.

Tinatayang aabot sa 10,000 supporters ang sumalubong sa kanila na pawang nakasuot ng pula at berdeng damit sa Tamasak Arena, Barotac Nuevo, probinsiya ng Iloilo.

“Bongbong-Sara, Bongbong-Sara!” sigaw ng mga tagasuporta na galak na galak nang makita ng personal ang standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas.

“Ang napangasawa ko ay Ilongga dahil nakumbinsi ako na ang Ilongga ay masyadong mapagmahal. Kaya po kahit ako ay ipinanganak sa ibang lugar, ang puso ko ay nasa mga Ilonggo. ‘Yan ay isang halimbawa ng pagkakaisa na tayong lahat na magsasama- sama at magtutulungan. Ilalabas natin ang ugaling Pilipino na mapagmahal,” ani Marcos.

“Kita n’yo naman, may tao sa loob, may tao sa labas. Ilang libo tayo. Maraming maraming salamat sa inyong napakainit na pagsalubong,” sabi pa niya.

Naniniwala si Marcos na anuman ang kulay sa pulitika o grupong kanilang kinaaaniban, ang lahat ay sumasang-ayon sa panawagang pagkakaisa.

“Kung minsan may mga grupo na pinag-aaway away tayo, pinaghahati-hati ang mga Pilipino. Ako napakasimple lang ang aking pag-iisip d’yan, kung ikaw ay galing sa Pilipinas, ikaw ay Pilipino, kakampi kita,” dagdag pa niya.

“Kahit saan ka man galing, kahit kung anong kulay ng iyong politika, ‘di po importante ‘yan. Ang importante magtulungan tayo para tulungan ang bawat mamamayang Pilipino at pagandahin ang Pilipinas,” wika pa niya.

Kasama ng BBM-Sara UniTeam sa kanilang pagbisita ang mga senatorial candidates na sina Sherwin Gatchalian, Jinggoy Estrada, Dante Marcoleta at ang guest candidate na si Robin Padilla.

Bago ang matagumpay na campaign rally, pinangunahan ni Marcos ang pagpapasinaya sa PFP headquarters sa Jaro, Iloilo kung saan ay daang bilang na supporters din ang mainit na sumalubong sa kanya.

“Nakikita natin na dumadami na. Parami tayo ng parami kaya kailangan na natin magtayo talaga ng headquarters para lahat ng gustong sumama at maging kasapi sa ating kilusan ng pagkakaisa ay makakapag-organize at magawa ng lahat para ang ating tagumpay ay hindi lang sa halalan kundi sa pagkakaisa ng sambayanang Pilipino ang ating makakamtan,” ani Marcos.

“Maraming salamat po sa suporta ninyo at huwag po natin titigilan na ipagpatuloy ang pagkalat ng mensahe ng ating adhikain, ng ating kilusan ng pagkakaisa,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi ni PFP-Western Visayas chairman Jun Sagucio, kumpara noong nakalipas na 2016 elections, mas maigting ang ginagawa nilang pangangampanya ngayon para matiyak ang panalo ni Marcos sa kanilang rehiyon.

“Dito sa Iloilo, he is leading with two percent. Entire region, seven percent. We are now really working hard going to A, B, C, D, E (classes),” ani Sagucio.

Sinabi nitong sa labis na suportang ibinigay para kay Marcos, karamihan sa mga supporters ay dumating ng mas maaga pa sa alas-8 ng umaga.

Mainit din ang ipinakitang pagtanggap at suporta sa kanya ng mga local government officials ng lalawigan.

Isang pagpupulong ang isinagawa sa mga local officials na binubuo ng gobernador, pitong alkalde, dalawang bise-alkalde, dating mga bise alkalde at 1,500 kapitan ng barangay.

Matapos nito, nakipagpulong din si Marcos sa ilang parallel groups at grassroots supporters sa Iloilo Convention Center kung saan binigyang katiyakan ang panalo ng UniTeam sa buong probinsiya.