Calendar
Pagbulusok ng self-poverty ratings ikinagalak ng House Committee on Poverty Alleviation
BILANG chairperson ng House Committee on Poverty Alleviation. Labis na ikinagagalak ni 1-PACMAN Party List Rep. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D. ang pagbulusok ng “self-poverty” ratings sa bansa alinsunod sa resulta ng survey na isinagawa ng OCTA Research.
Ayon kay Romero, ang positibo at magandang resulta ng naturang survey ay produkto ng patuloy na pagsisikap ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang unti-unting maibsan ang karukhaan ng libo-libong mamamayan sa bansa sa pamamaraan ng “whole-of-government” approach.
Ipinahayag pa ni Romero na ang pinakamahalaga sa resulta ng OCTA Survey na isinagawa noong third quarter ng 2024 ay ang pagbaba din ng hunger levels o ang kaso ng kagutuman ng mga mahihirap na Pilipino na isang indikasyon na hindi nagpapabaya ang gobyerno sa pagtugon nito sa nararanasang kahirapan ng mamamayan.
Ikinagagalak din ng kongresista na hindi nasayang ang mga ginagawang pagsisikap ng House Committee on Povery Alleviation para unti-unting mai-ahon ang mga mahihirap na Pilipino mula sa kahirapan sa pamamagitan ng mga programang inilulunsad nito sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Batay sa survery na ginawa ng OCTA Research noong nakaraang Agosto 28 hanggang Setyembre 2, 2024. Bumaba ng 5% ang self-rated poverty para sa tinatayang 1.4 million pamilyang Pilipino na hindi na ngayon maituturing na mahirap.
Habang ang tinatawag na “self-rated hunger” ayon pa kay Romero ay bumagsak din sa 16% hanggang 11% na nangangahulugan na tinatayang 1.3 milyong pamilya ang hindi narin nakararanas ngayon ng kagutuman.
Dahil dito, pinasalamatan ni Romero ang Pangulong Marcos, Jr. dahil sa ginagawa nitong pagsisikap upang unti-unting bawasan ang kahirapan at kagutuman sa bansa partikular na para sa mga mahihirap na pamilya na pangunahing naaapektuhan ng nasabing problema.