Dy

Pagbuti ng PISA senyales ng bunga sa reporma sa edukasyon

Mar Rodriguez Sep 11, 2026
113 Views

TINANGGAP ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang pagbuti ng performance ng Pilipinas sa 2025 Programme for International Student Assessment (PISA) na para sa kanya’y senyales na nagsisimula nang magbunga ang tuloy-tuloy na pamumuhunan at mga reporma sa sektor ng edukasyon.

Ayon kay Speaker Dy, ang pag-unlad sa PISA ay resulta ng sama-samang pagsisikap ng pamahalaan, Department of Education (DepEd), mga school leader at higit sa lahat ng mga guro na araw-araw na nagsasalin ng mga polisiya at resources tungo sa aktuwal na pagkatuto ng mga mag-aaral.

Pinuri ng Speaker si Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara at ang buong DepEd sa pagtutok sa pagpapabuti ng learning outcomes at pagtugon sa matagal nang mga hamon sa basic education.

Hindi madaling trabaho ang pamumuno sa DepEd dahil hindi malulutas sa isang iglap ang mga problema sa sistema ng edukasyon, ayon sa Speaker.

Ipinapakita umano ng resulta ng PISA na posible ang pag-unlad kung mananatiling nakatuon ang pamahalaan sa learning outcomes at patuloy na susuportahan ang mga guro at mag-aaral.

Kinilala rin ni Dy si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa patuloy na pagbibigay-prayoridad sa edukasyon bilang isang pambansang agenda.

Makikita ang naturang commitment sa patuloy na resources na inilalaan ng pamahalaan para sa mga paaralan at kabataan.

Binigyang-diin ng Speaker na mahalaga ang pangmatagalang pamumuhunan sa edukasyon dahil hindi sapat ang suporta para lamang sa isang taon. Kailangan umano itong ipagpatuloy sa loob ng maraming taon upang makamit ang makabuluhang pagbabago sa sistema.

“Masaya tayo sa progreso, pero hindi tayo dapat makuntento,” pahayag ni Speaker Dy.

Sinabi ni Speaker Dy na mahalagang kilalanin na mayroon nang ebidensiyang nagpapakitang posible ang pagbuti ng performance ng mga Pilipinong mag-aaral.

Tiniyak din ni Dy na patuloy na gagampanan ng Kongreso ang bahagi nito sa pagsusulong ng mga reporma, programa at kinakailangang pamumuhunan sa edukasyon.