Quiboloy

Pagdalo ni Quiboloy sa SMNI franchise hearing, iginiit ng mambabatas

Mar Rodriguez Mar 11, 2024
145 Views

IGINIIT ng mga kongresista na dapat dumalo sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises ang televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy bukas, Marso 12.

Ayon kay Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez dapat igalang ni Quiboloy ang proseso ng Kongreso.

“Pastor Quiboloy has to respect the legislative process of Congress. He was invited and asked to present himself so that he can clarify issues regarding the investigations being conducted by the Committee on Franchise,” ani Suarez sa ginanap na regular press conference sa Kamara nitong Lunes.

Dahil sa paulit-ulit na hindi pagdala sa imbitasyon ng komite para matanong kaugnay ng operasyon at pagmama-ari ng Sonshine Media Network International (SMNI), si Quiboloy ay pinadalhan na ng subpoena.

Iginiit ni Suarez na mahalaga ang pagdalo ni Quiboloy upang makapagbigay ng kanyang testimonya at mabigyang linaw ang mga katanungan ng mga mambabatas na ang nais lamang ay malaman ang katotohanan.

“Vital po kasi ‘yung information ni Pastor Quiboloy dahil naniniwala po kami, meron po siyang alam at may kinalaman po siya para mas lalong mapag-aralan ng committee ‘yung mga nabanggit na mga violations ng SMNI at ng Swara Sug doon sa franchise na kanilang pinanghahawakan,” ayon kay Suarez.

Binigyan diin pa ni Suarez, karaniwan na ang pag-iimbita ng komite ng mga resource person upang magbigay linaw sa iba’t ibang usapin, at hindi exemption si Quiboloy dito.

“I don’t think Pastor Quiboloy should be an excuse from the many people that have presented themselves and became resource persons for any issue that the House has taken,” dagdag pa ni Suarez.

Paliwanag naman ni 1-RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez, may akda ng panukala na bawiin ang prangkisa ng SMNI, hindi siya kumbinsido sa katwiran ng mga abogado ng pastor at tanging si Quiboloy umano ang makakapagpaliwanag ng mahahalagang detalye na nais malinawan ng mga kongresista.

“Hindi na po ‘yon bago, with all due respect to whatever sentiment they may have. During the initial deliberations that we’ve had doon sa hearing po sa committee, nagpadala din po ng abogado si Pastor Quiboloy at hindi na ho bago iyong katuwiran na iyon na wala daw pong kinalaman and wala na po siya sa SMNI,” giit pa ng mambabatas.

Sinabi pa ni Gutierrez na matapos ang mahabang deliberasyon, naniniwala ang komite na kailangan ang presensya ng Pastor sa pagdinig.

“Whether or not the reason will stand, we have to see po as far as we’re concerned under Congress kailangan po mag-attend po ni Pastor,” ayon pa sa mambabatas.

Ayon kay Gutierrez ang pagdalo ni Quiboloy ay magbibigay-daan upang maibigay nito ang kanyang panig kaugnay ng usapin.

“We call on Pastor Quiboloy to attend because like we’ve always said this would be the best opportunity to explain his side,” giit pa ni Gutierrez.

Dugtong naman ni Cagayan de Oro City 1st District Rep. Lordan Suan kinakailangan ang pagdalo ni Quiboloy para makagawa ng tamang desisyon ang mga kongresista sa naturang isyu.

“I think it’s important to remember that the power to compel attendance is very important for the House of Representatives in order to make effective and wise judgments regarding legislation it aims to make,” ayon kay Suan.

Ang SMNI ay nahaharap sa posibleng pagbawi ng prangkisa dahil na rin sa samu’t-saring mga paglabag, pagpapakalat ng fake news, red-tagging at serious corporate offenses.