Police

Pagdukot ng lola, 67, sa Makati fake news

Edd Reyes Oct 8, 2024
80 Views

FAKE news at marites lang ang balitang may dinukot na 67-anyos na lola sa Makati City at itinapon sa Cavite noong Setyembre, ayon kay Makati police Chief P/Col. Joseph Talento.

Nilinaw ng hepe ng pulisya ang isyu matapos ang malalimang imbestigasyon na kanilang isinagawa nang hindi na nagpakita sa Poblacion Police Sub-Station sa Makati ang ginang makaraang dalhin doon ng mga tauhan ng General Mariano Alvarez (GMA) police noong Setyembre 20 ng alas-3:00 ng hapon.

Sa ulat ni Col. Talento kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang, nagsagawa ng imbestigasyon ang GMA police nang magpahayag ang ginang na dinukot siya ng dalawang lalaki habang nakatayo at hinihintay ang isang kaibigan sa tinutuluyang condominium noong Setyembre 17.

Tinakpan daw ng basahan ang kanyang ilong na ikinawala ng kanyang ulirat at nagising na nasa isang silid.

Makaraan ang tatlong araw, muli umano siyang isinakay sa van ng mga suspek habang nakagapos ng lubid ang kamay, nilagyan ng duct tape ang bibig at itinapon sa Brgy. F. De Castro sa Cavite.

Nakita siya ng isang guwardiya na nagsama sa kanya sa pulisya.

Nang tumangging lagdaan ng ginang ang kanyang reklamo sa Makati Police Sub-Station laban sa kanyang asawa na itinuturo niyang utak sa pagdukot at sinabing babalik na lamang siya, dito na nagsagawa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya.

Noong Setyembre 27, nakuha ng Makati police ang kuha ng CCTV sa tinutuluyang niyang condominium kung saan nakita na kusang sumakay ang ginang sa van, kasama ang isang babae, at nakita rin na bumaba siya sa naturang sasakyan at kumaway pa upang kumuha ng atensiyon sa mga tao sa paligid.

Ayon sa pulisya, kinumpirma ng security guard ng condominium na hindi pa bumabalik ang ginang mula nang maiulat ang umano’y pagdukot at hindi na rin siya ma-kontak ng pulisya.