Acidre Tingog Party-list Rep. Jude Acidre

Paggamit ng confi funds dapat may managot — Acidre

38 Views

NAGPAHAYAG ng pagkabahala si Tingog Party-list Rep. Jude Acidre sa naging pamamahala sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa isinagawang pagdinig ng House committee on good government and public accountability nitong Miyerkules.

Sa interpelasyon ni Acidre, binusisi nito ang proseso ng pagdedesisyon sa paggamit ng naturang pondo. “Sino ang nagnakaw ng pera ng bayan?” tanong ni Acidre na iginiit ang kahalagahan na masagot ang tanong ng mga Pilipino.

Inusisa ni Acidre si Atty. Zuleika Lopez, chief of staff ng OVP, tungkol sa pagkakatalaga nina special disbursing officer (SDO) Gina Acosta at Edward Fajarda.

Tinanong niya ang relasyon ni Lopez sa dalawa. “Personal niyo pong kakilala si Ginang Gina Acosta?” tanong ni Acidre na sinagot naman ni Lopez na, “Yes, your honor.”

Sunod naman niyang tinanong ang koneksyon ni Acosta sa City Government ng Davao, kung saan nagsilbi si Lopez bilang city administrator. Kinumpirma ni Lopez na nagtrabaho si Acosta sa City Budget Office noong kanyang termino.

Tinanong din ni Acidre ang kwalipikasyon ni Acosta at kung paano ito napasok bilang SDO. “So, sa tingin niyo po, pagkaka-alam niyo po, paano kaya napili si Ginang Acosta bilang SDO? Kasi I’m sure there must be a reason for you to have chosen her from Davao LGU and bring her to the Office of the Vice President,” sabi ni Acidre.

Paglilinaw ni Lopez: “Your honor, I did not choose her as SDO.”

Sunod na tanong naman ni Acidre, “So it was not your decision to choose her as SDO?”

Giit ni Lopez: “I was not the one, your honor, for the record, to designate Miss Acosta.”

Tugon naman ni Lopez sa tanong ni Acidre kung kinonsulta ba siya sa pagtatalaga kay Acosta at kung naniniwala siyang kwalipikado ito sa posisyon: “No, your honor. I was not consulted.”

“I have no knowledge of the qualifications or experience that made her suitable as SDO,” pag-amin ni Lopez.

Kinumpirma naman ni Lopez na ang pagtatalaga kay Acosta ay atas ng bise presidente.

Natanong din ni Acidre si Lopez sa kwalipikasyon naman ni Edward Fajarda, na isa pang SDO. “So hindi niyo alam kung paano pinipili ang tao pero alam niyo po kung paano tinatanggal ang tao sa Office of the Secretary ng Department of Education?” sabi ni Acidre.

Ani Lopez, “Yes, your honor. That was a task given to me by the Vice President.”

Itinanggi naman ni Lopez na may papel siya sa pag-apruba ng mga dokumento sa paglalabas at paggamit ng confidential funds nang mausisa ni Acidre. “That particular document, the designation, was not prepared by the Office of the Chief of Staff, and it did not go through me,” tugon ni Lopez.

Kinuwestyon din ni Acidre kung ang P500 milyong confidential fund ng OVP ay ginamit sa kanilang socioeconomic programs. “For the record, did any of your programs or projects implemented by the Office of the Vice President receive funding from the confidential funds?” tanong ni Acidre.

Sagot ni Lopez: “None, your honor.”

Sa pagpapatuloy ni Acidre, aniya: “So itong P500 million in the case of the OVP, were for items that were never part of assistance programs, nothing to do with helping the people. Tama po ba?”

Saad naman ni Lopez, “None, your honor.”

Inungkat ni Acidre ang koneksyon nina Acosta, Fajarda at Lopez na mga nagtrabaho sa Davao City government.

“Tatlong tao lamang na magkakakilala, magkakaibigan, magkakapamilya ang nagkaroon ng kontrol sa halos kalahating bilyong pera ng bayan. Hindi ba dapat managot sila?” sabi ni Acidre.

Sa kanyang manipestasyon, iginiit ni Acidre ang bigat ng ginagawang pag-iimbestiga. “Mula pa sa simula, malinaw na ang layunin ng imbestigasyong ito: alamin ang katotohanan sa likod ng kwestyunableng confidential funds na inilaan para sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo at sa Kagawaran ng Edukasyon. Ang pinakamahalagang tanong: ‘Nagamit ba sa tama ang pera ng bayan?’” pahayag ni Acidre.

Tinukoy niya ang kawalan ng malinaw na pananagutan sa proseso ng paglalabas ng pondo lalo na ang kuwestyunableng mga liquidation documents na tinanggap ng Commission on Audit (COA).

Kinuwestyon din niya ang paggamit ng pondo para sa Youth Leadership Summit, na may magkakaibang paliwanag mula sa magkakaibang ahensya.

Nasayang aniya ang oportunidad na magamit ang pondong ito para sa kritikal na pangangailangan ng sektor ng edukasyon. “Ang P150 milyon confidential fund ng DepEd, halimbawa, ay tila walang malinaw na plano kung paano ito ginamit. Kung ginamit ito ayon sa mandato ng DepEd, sana’y nakabili tayo ng halos 150,000 armchairs, 3 milyong libro o 4,286 laptops para sa ating mga guro at mag-aaral,” punto ni Acidre

Bilang pagtatapos, panawagan ni Acidre: “Hinihikayat ko ang komiteng ito na ating ipagpatuloy ang mga pagdinig na nasimulan. Huwag tayong titigil, huwag tayong mapagod hanggang mailabas ang katotohanan at magkaroon ng kasagutan ang mga tanong ng sambayanan na nananatiling matalim at mariin: ‘Nasaan ang pera ng bayan? Sino si Mary Grace Piattos? At higit sa lahat, sino ang nagnakaw ng pera ng bayan?’”