VP Sara Vice President Sara Duterte

PAGGASTOS NI SARA NG P273M SINITA

71 Views

Confi fund ginastos ng 7 buwan –

NAUBOS ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte ang P500 milyong confidential fund nito sa loob ng pitong buwan at sinita ng Commission on Audit (COA) ang kuwestyunableng paggamit sa P237 milyon ng naturang pondo.

Ikinabahala ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun ang ulat na ito ng COA lalo at P73 milyon sa P125 milyong confidential fund na inubos sa loob ng 11 araw noong 2022 ay mayroon ng Notice of Disallowance, na indikasyon na nabigo ang Office of the Vice President (OVP) na mahusay itong maipaliwanag nang unang tanungin ng COA.

Nanawagan si Khonghun sa tanggapan ni Duterte na magpaliwanag sa publiko sa halip na iwasan ang mga tanong kaugnay ng paggamit nito ng kinukuwestyong pondo.

“The P73 million disallowed by COA is just the beginning of a broader pattern of seeming misuse or mismanagement of government funds, as an additional P164 million has been flagged in audit observation memorandums (AOMs),” sabi ni Khonghun.

Dagdag pa nito, “We are seeing a disturbing pattern of misuse or mismanagement of government funds. Vice President Duterte needs to explain this to the public — she owes the Filipino people transparency and accountability.”

Nauna rito, inilahad ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing sa pagdinig ng Appropriations committee sa panukalang badyet ng OVP ang summary ng naging paggastos ng confidential funds nito.

Mula ng maupo noong 2022, si Duterte ay napaglaanan ng P625 milyong halaga ng confidential fund hanggang noong Disyembre 2023. Sa naturang halaga, ang naubos ng OVP ay P500 milyon — P125 milyon noong 2022 at P325 milyon noong 2023.

Sa P125 milyon na ginastos sa loob ng 11 araw noong 2022, P73 milyon ang kinuwestyon ng COA ang pagkakagastos. Matapos mabigo ang OVP na tuwiran itong maipaliwanag ay naglabas ang COA ng Notice of Disallowance, o ipinababalik na sa mga responsableng opisyal ang naturang pondo.

Sa halagang P73.3 milyon, P34.857 milyon ang ginastos sa “various goods” at P24.93 milyon para sa gamot na parehong nasa ilalim ng “payment of reward.” May ginastos ding P3.5 milyon para sa “chairs, tables, desktop computers, and printers” na sinita ng COA.

Para sa P325 milyong confidential fund na ginastos sa unang tatlong quarter ng 2023, naglabas naman ang COA ng AOM sa P164 milyon dahil sa hindi malinaw na paggastos dito.

Sa inilabas na summary ni Suansing, pinuna ng COA auditors ang paggastos sa P67 milyon o 53.5 porsiyento sa unang quarter ng 2023, P62 milyon o 49.6 porsiyento sa ikalawang quarter at P35 milyon o 28 porsiyento sa ikatlong quarter.

Iginiit ni Khonghun na pera ng taumbayan ang ginastos kaya dapat ay ipaliwanag ito ni Duterte sa taumbayan na nagtiwala sa kanya.

“This is public money — hard-earned taxes of Filipinos. We need to know how it was spent, especially with COA raising red flags. The Vice President must address these concerns head-on,” sabi ni Khonghun.

Ayon din sa ulat ng COA na inilahad ni Suansing sa pagdinig, naubos ang P500 milyong confidential fund sa loob ng pitong buwan o paggastos na P2.4 milyon kada araw.

Sa kategoryang “purchase of information,” ang OVP ay gumastos ng P14 milyon mula Disyembre 21-31, 2022; P10 milyon mula Pebrero 6 hanggang Marso 29, 2023; P12 milyon mula Abril 25 hanggang Hunyo 30, 2023; at P20 milyon mula Hulyo 14 hanggang Setyembre 30, 2023.

Gumastos naman ng P72 milyon sa “payment of reward” sa nabanggit na panahon ang OVP kung kailan din nagkaroon ng “surveillance and monitoring” activities ang ahensya.

Ginastos naman ng OVP ang P152 milyong confidential fund para sa “purchase of supplies,” P53 milyon para sa rental at maintenance ng mga safe house, at P122 milyon para sa “provision of medical and food aid.”

“There is a clear need for transparency,” sabi ni Khonghun. “The COA’s findings suggest serious issues in how the OVP is handling its CIF. The Vice President cannot ignore this. She needs to explain.”

Nauna ng nagpahayag ng pangamba si 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez sa ginawang paggastos ng confidential fund ng OVP matapos ang pagdinig ng Committee on good government and public accountability noong Miyerkoles.

Iniimbestigahan din ng Kamara ang iba pang paggastos ng pondo ng OVP gayundin sa Department of Education na dating pinamumunuan ni Duterte.

“There seems to be a pattern. Based on the COA report, the same offenses that led to the notice of disallowance are present in the AOMs,” ani Gutierrez.

“We need to seriously consider if there is a pattern of misuse, misfeasance, or even malfeasance in this case,” dagdag pa nito.