Calendar

Pagguho ng tulay kinondena sa Senado
ITO ang matapang na pahayag ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. sa kanyang opening statement sa Motu Proprio hearing ng Senate Blue Ribbon Subcommittee, na pinamumunuan ni Senador Alan Peter Cayetano, habang tinatalakay ang pagguho ng bagong gawang Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela.
“Hindi pwedeng isang masaklap na pangyayaring na lang ito na isang kwentong nag-viral. Dapat may managot, and let the axe fall where it must!” mariing pahayag ni Revilla, kasabay ng pagbatikos sa nasayang na pondo sa isang proyektong nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso.
Mas mababa sa isang buwan matapos ang pormal na pagbubukas ng tulay noong Pebrero 1, 2025, bumagsak ito noong Pebrero 27, 2025, na nagresulta sa pagkasugat ng anim na katao.
“Bilyong-bilyong piso na mula sa buwis ng mamamayang Pilipino ang inaksaya sa proyektong pulpol… Sa halip na kaginhawaan, dapat ang dala ng tulay na ito ay maayos, hindi ang perwisyo na idinulot,” dagdag ni Revilla.
Senador Alan Peter Cayetano, na namumuno sa imbestigasyon, kinuwestiyon ang mabagal na tugon ng DPWH, pagkaantala ng forensic testing, at kawalan ng preventive suspensions.
“Hindi ba napaka-basic nun? Na after bumagsak, i-coring nyo na kung kailangan nyo i-X-ray para makita nyo yung bakal?” tanong niya, matapos malaman na walang agarang pagsisiyasat na isinagawa upang alamin ang sanhi ng pagbagsak ng tulay.
Inamin ni DPWH Undersecretary Eugenio Pipo na wala pang preventive suspensions na ipinataw laban sa mga posibleng responsable, at wala pang forensic investigation upang tukuyin ang ugat ng problema.
“Wala pa, Your Honor,” sagot ni Pipo nang tanungin kung may natanggal na opisyal o kontratista.
Dahil dito, binatikos ni Cayetano ang pagkakaila ng DPWH ng responsibilidad at kakulangan ng agarang aksyon:
“If you were the guilty person, what will you do? I’ll cover up. That’s why preventive suspensions exist—to protect the investigation,” diin niya.
Nadiskubre rin sa imbestigasyon na P275 milyon ang ginastos ng DPWH para sa retrofitting ng tulay, kahit na saklaw pa ito ng 15-taong warranty ng kontratista.
“Kung may crack, sinong dapat magbayad? Wala pang 15 years yan! Dapat contractor ang sumagot, hindi ang gobyerno,” mariing sinabi ni Cayetano.
Inamin ni Pipo na hindi muna sinuri ng DPWH kung dapat bang obligahin ang kontratista na sagutin ang gastusin bago aprubahan ang proyektong retrofitting.
Dahil dito, nanawagan si Cayetano sa Commission on Audit (COA) upang ipaliwanag kung bakit inaprubahan ang proyekto nang hindi muna natutukoy ang dapat managot sa pagkukumpuni ng tulay.
Isa pang matinding isyu ang proseso ng DPWH sa pagpili ng mga kontratista, lalo na yaong may rekord ng mabagal o palpak na proyekto.
Binalikan ni Cayetano ang kanyang dating babala laban sa J.D. Legaspi Construction, isang kumpanyang dati nang na-flag sa budget hearings dahil sa mga legal na kaso at pagkaantala ng mga proyekto.
“Isa sa pinakalokong contractor sa buong Pilipinas itong J.D. Legaspi na mas marami pa siyang abogado kaysa sa engineer!” matapang niyang pahayag.
Dagdag pa ni Revilla, hindi dapat ipagpatuloy ng gobyerno ang pagbibigay ng mga proyekto sa mga kumpanyang may kasaysayan ng kapalpakan.
“Sa dami ng magagaling nating mga propesyonal, bakit nabibigyan pa ng proyekto yung may track record ng kapalpakan?” tanong niya.
Sa gitna ng imbestigasyon, pinalawak ng Senate Blue Ribbon Subcommittee ang kanilang pagsisiyasat sa iba pang mga proyektong pinangangasiwaan ng DPWH, kabilang na ang Pangil Bay Bridge na nagkokonekta sa Misamis Occidental at Lanao del Norte.
Inamin ng DPWH na may natukoy nang pagpalya sa aspalto ng tulay, ngunit iginiit na ang kontratista ang sumagot sa mga pag-aayos.
Ngunit kinuwestiyon ni Cayetano kung may mas malawak pang problema sa kalidad ng mga proyekto ng DPWH.
“If the Cabagan-Sta. Maria Bridge collapsed despite DPWH inspections, how can we be sure other projects are safe? A nationwide review may be necessary,” kanyang pahayag.
Binigyang-diin ni Cayetano na ang imbestigasyong ito ay dapat humantong sa tunay na pananagutan at mga reporma.
“Tama na ang ‘lessons learned.’ Let this be the last. We owe no less to our people,” kanyang pagtatapos.
Sa susunod na pagdinig, sisiyasatin ng Senado ang mga financial records, pananagutan ng mga kontratista, at forensic testing results, habang isinusulong ang reporma sa mga proyektong pang-imprastruktura ng gobyerno.