Calendar
Paghahain ng mahalagang panukalang ang unang tututukan ni Magsino
SA pagpasok ng 20th Congress pagkatapos ng mid-term elections. Tiniyak ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino na ang kaniyang magiging “order of business” ay ang paghahain ng mga mahahalagang panukalang batas na tutugon sa pangunahing pangangailangan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ito ang ipinahayag ni Magsino sa ekslusibong panayam ng People’s Taliba na ang kaniyang unang tututukan sakaling siya’y palarin sa nalalapit na mid-term elections ay ang pagsusulong ng mga makabuluhang panukala na magbibigay ng proteksiyon sa mga OFWs kabilang na ang kanilang pamilya.
Ayon sa kongresista, kabilang sa mga panukalang ihahain niya sa Kamara de Representantes ay ang pagpapalakas ng proteksiyon laban sa human trafficking at illegal recruitment na pawang mga OFWs ang nagiging biktima sa pamamagitan ng pagpapataw ng mas mabigat na parusa laban sa mga illegal recruitment agencies.
“Ang mga panukalang batas na isusulong natin ay tutugon sa mga pangunahing isyu ng mga OFWs at kanilang pamilya. Kabilang dito ang pagpapalakas sa proteksiyon laban sa human trafficking at illegal recruitment sa pamamagitan ng mas mahigpit na parusa at pagsubaybay sa mga recruitment agencies,” wika ni Magsino sa panayam ng People’s Taliba.
Sinabi din ni Magsino na tututukan din nito ang panukalang batas patungkol sa pagpapalakas at pagpapaganda ng programang reintegration para sa mga balik-Pilipinas o returning OFWs at sa kanilang pamilya.
Bukod dito, nais din nitong bigyang prioridad ang mga mental health programs at counselling para sa mga OFWs na dumaranas ng matinding problema sa pag-iisip dulot ng stress, sobrang pangungulila sa kanilang pamilya at iba pang mga suliranin na pinagdadaanan nila.
Binigyang diin pa ni Magsino na sa kaniyang ikalawang termino ay sisikapin nitong mabigyan ng solusyon ang mga pangunahing isyu na kasalukuyang kinakaharap ng mga OFWs at matiyak na matatamasa nila ang mga programa at suporta ng administrasyon ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.
“Ang isa sa mga magiging priority natin ay ang pagbibigay solusyon sa isyu ng ating mga OFWs at pagsisiguro na matatamasa nila ang suporta mula sa gobyerno ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.” ayon pa sa mambabatas sa panayam ng Taliba.