Calendar

Paghingi ng tulong sa DSWD magiging madali, mabilis na
MAGIGING madali at mabilis na pala ngayon ang paraan ng paghingi ng tulong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), pati na ang proseso at pagtutugma ng Social Welfare and Development Agencies (SWDA) at mga lokal na pamahalaan, para sa mga angkop na donasyon at programa para sa kanila.
Inilunsad na kasi ng DSWD, sa pamumuno ni Secretary Rex Gatchalian, ang Kaagapay Donation Portal (KDP), kasabay ng kanilang ika-74-taong anibersaryo, batay na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos patungkol sa digitalization ng mga programa ng gobyerno upang mas mapabilis at epektibo ang mga ito.
Sa pamamagitan kasi ng KDP, hindi na kailangan ang mano-manong pagliham sa SWDA na dumadaan pa sa mahabang proseso para humingi ng tulong, dahil sa inihnsad na online portal.
Ayon kina DSWD Asec. Mari Rafael at Director Megan Manahan, bukod sa KDP ay naglunsad din ang ahensiya ng pinakabagong Online Platform na HELPS o Harmonized Electronic Licensing Permit System upang mapabilis naman ang proseso ng registration, licensing at accreditation (RLA) ng mga SWDAs.
Dati kasi, aabot sa mahigit isang buwan o 47 araw bago ma-proseso ang mano-manong pag-aaply sa RLA ng mga SWDA pero dahil sa paggamit ng HELPS, aabot na lamang ng pitong araw para sa registration at licensing at pitong araw sa accreditation kaya 14 na araw na lang sa kabuuan.
Maging ang dating 20-araw na pagkuha ng permit ng SWDA sa DSWD sa pangangalap ng mga kontribusyon mula sa publiko para sa kanilang mga kawanggawa ay pinadali na rin ng HELPS sa pitong araw.
Nasa batas kasi, sa ilalim ng R.A. 10847 o ang Act Upgrading Sundry Provisions Relative to the Practice of Social Work ang pagkuha ng RLA ng SWDA kaya bago sila makapag-operate, kailanga nilang kumuha ng lisensiya at rehistro sa DSWD.
Ipinaliwanag ito nina Asec. Rafael at Director Manahan sa kanilang pagdalo bilang mga panauhin sa lingguhang Meet the Press Forum na itinaguyod ng National Press Club (NPC) sa pamumuno ni Leonel “Boying” Abasola.
Mga binibitiwang pananalita noon ni FPRRD, nakaimpluwensiya sa ilang pulitko
MATINDI talaga ang impluwensiya ng mga binibitiwang pananalita noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa mga kababaihan kaya siguro may mga pulitiko na akala nila ay puwede rin nilang gayahin ang ganitong estilo.
Noon kasing nakaupo pa sa puwesto ang dating pangulo, kahit yata anong klaseng kabastusan sa kababaihan ay nagiging katatawanan lang sa kanyang maraming taga-suporta kaya siguro akala ng iba, makakatawag pansin ito sa mga botante kung kanilang gagayahin.
Masahol pa nga ang mga binabanggit ng dating pangulo tulad ng pagbaril niya sa ari ng mahuhuling amasona ng NPA, ang pagnanais na hinasin ang katawan ng seksing kasambahay, at pati paghila sa panty ng isang magandang alkalde ng isang lalawigan.
Hindi ba may pahalik-halik pa nga siya sa ilang babae na bumabati lang sa kanya pero lahat ng iyan ay nagagawa niya dahil siya ang Pangulo at ligtas siya sa anumang pananagutang legal.
Kaya lang, kapag ginaya ngayon ito ng mga tumatakbong pulitiko, malamang na kung hindi sila makasuhan, mahaharap sila sa pagkawala ng karapatang tumakbo sa halalan.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]