Calendar
Larawan: De La Salle University
Pagiging ‘Big Brother’ ng Senado kay Bato binato ng La Salle schools
NAGLABAS ng matinding pahayag ang pamunuan ng iba’t ibang institusyon sa ilalim ng De La Salle Philippines kaugnay ng kontrobersiyang bumabalot sa Senado, partikular sa umano’y pagprotekta sa mga opisyal na nahaharap sa pananagutan at sa naganap na kaguluhan sa loob ng Senado noong kasagsagan ng tangkang pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa inilabas na statement na pinamagatang “Restoring Faith and Dignity in the Senate,” sinabi ng mga Lasalyano na nakababahala ang direksyong tinatahak ng Senado dahil mas nakikita umano itong “shielding the powerful rather than upholding the rule of law.”
Binanggit din sa pahayag ang “questionable institutional protection” na ibinigay umano sa isang senador na nahaharap sa usapin kaugnay ng crimes against humanity, gayundin ang karahasang naganap mismo sa loob ng Senado at ang umano’y “shameless public posturing” matapos ang insidente.
Ayon sa grupo, lalong lumalalim ang pagdududa ng publiko sa integridad ng Senado dahil sa mga pangyayaring ito. Giit nila, hindi dapat gamitin ang mga demokratikong institusyon para protektahan ang iilan sa halip na pairalin ang katotohanan at pananagutan.
Tinukoy rin ng mga Lasalyano ang naging pananagutan ng mga opisyal sa gobyerno na nagmula sa mga paaralang Lasalyano. Anila, hindi dapat isantabi ng mga ito ang mga prinsipyong itinuro ng kanilang edukasyon pagdating sa serbisyo publiko.
Sa statement, sinipi rin nila ang yumaong statesman na si Jose “Ka Pepe” Diokno: “we must view public office as a way to serve the people, not to profit at their expense.”
Kabilang sa mga lumagda sa manifesto sina De La Salle Philippines president Edgar Chua, De La Salle University-Dasmariñas president Br. Iñigo Riola FSC, De La Salle University president Br. Rey Mejias FSC, De La Salle-College of Saint Benilde president Br. Edmundo Fernandez FSC, at iba pang opisyal ng mga institusyong Lasalyano sa bansa.
Matatandaang naging sentro ng kontrobersiya ang Senado matapos mabigo ang mga awtoridad na arestuhin si Dela Rosa kaugnay ng warrant ng International Criminal Court (ICC). Nauwi rin ito sa tensyon at putukan sa loob ng Senado noong Mayo 13 habang pinoprotektahan umano ng Office of the Sergeant-at-Arms ang senador laban sa mga operatiba ng gobyerno.

