Calendar

Pagiging marahas at bayolente ng mag-amang Duterte ikinadismaya ni Valeriano
IKINADISMAYA ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano ang pagpapamalas umano ng karahasan at pagiging bayolante ng mag-amang sina dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Vice President Inday Sara Duterte sa harap ng publiko.
Nauna rito, tinuligsa ni House Assistant Majority Leader at Taguig City Rep. Pammy Zamora, miyembro ng Young Guns sa Kamara de Representantes, ang mag-amang Duterte bunsod ng pagpapalaganap nila ng karahasan kahit sila ay nasa harap ng mamamayan.
Dahil dito, sinabi ni Valeriano na hindi naa-angkop para sa isang dating mataas na opisyal ng pamhalaan at kasalukuyang Pangalawang Pangulo ng bansa ang magbitiw ng marahas na pananalita gaya ng pagbabanta, pagmumura at pang-iinsulto.
Binigyang diin ng kongresista na sa halip na magbulalas ang mag-amang Duterte ng mga masasagwang pananalita sa harap pa mismo ng publiko o sa pamamagitan ng pampublikong diskurso ay makakabuting maipakita na lamang nila ang pagiging responsable at disente.
Ipinaliwanag ni Valeriano na nakakarimarim panaoorin na ang isang dating Pangulo ng bansa ay nagbibitiw ng isang pahayag laban sa kaniyang mga katunggali sa politika makaraang pabiro umano nitong sabihin na papatayin ang labing-limang Senador ng administrasyon.
Pagdidiin pa nito na hindi dapat gawing biro ng dating Pangulo ang pagbabanta o pagwiwika na papatayin nito ang labing-limang Senador ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas (APBP) sapagkat hindi kailanman maituturing na biro ang pagkitil ng buhay.
Pinayuhan ni Valeriano ang mag-amang Duterte na magsilbing magandang ehemplo hindi lamang para sa mga mamamayan bagkos pati narin sa mga kabataan dahil nakikita ng publiko ang kanilang mga kilos partikular na aniya ang mga binibitiwan nilang pananalita.